Ano ang isang Aksyong Pananaliksik o Action Research sa larangan ng edukasyon? Ito ay isang pag- aaral o pagsisisyasat tungkol sa isang paksa, na karaniwang siyang lumilitaw na suliranin ng mananaliksik sa larangan ng edukasyon. Partikular na sa loob ng silid-aralan , sa mga aralin, sa mga ginagamit na paraan ng pagtuturo, sa mga ipinapakitang kilos at asal ng mga mag-aaral o maaari din namang mga kaalaman sa pagpapayabong ng mga kasanayan ng mga mag-aaral.
Lahat ng mga nilalang ay nagkakaroon ng mga problema o suliranin, maging ito ay sa hanapbuhay, sa pagtuturo at ganoon din naman sa mga tinuturuan. Isang mahalagang pagsukat sa kaalaman ng mga guro ang pag-aaral niya ng isang suliiranin at makahanap na nababagay na solusyon para dito. Ang mga kinalabasan ng pagsisisyasat ay dapat na analisahin upang makatulong sa mga paksa ng pagsisiyasat, dapat alamin ng isang mananaliksik ang mga tamang hakbang sa pagsasagawa nito.
Unang hakbang ay dapat matukoy ng guro ang anumang suliranin na dapat niyang siyasatin. Kung sakali tukoy mo na ito, ang susunod na katanungan ay saan ko kukunin ang mga kasagutan sa suliraning ito? At bilang kasangkapan ng pagsisiyasat ay gagamit ka ng mga questionnaires o mga katanungan, mga panayam o interview, obserbasyon at survey. Kapag natapos mo nang gawin ang mga ito para sa iyong pagsisiyasat, ay gagawa ka naman ng proposal. Ating isa-isahin ang mga bahagi nito. Una ay ang Abstrak o ang nilagom na bersyon ng iyong kabuuang pagsisiyasat, ang susunod na bahagi ay ang panimulang salita o introduction susundan ng pagpaphayag ng mga suliranin, kahalagahan ng pag-aaral, mga may kaugnayang babasahin kagaya ng aklat, dyornal, mga artikulong naisulat, ganoon din naman, ang ibang kaparehong pag-aaral. Ang mga isinagawa mong pamamaraan at ang paglalagom ng mga impormasyong nakalap, ganoon din naman ang paglalahad ng mga datos o kaalamang nakolekta. At ang huling bahagi ay ang kinalabasan ng pag-aaral. Ganoon din naman, ilalahad mo ang kabuuang pag-aaral, konklusyon at ang mga iminungkahi mong rekomendasyon.
Lahat ng guro ay may kinakaharap na suliranin sa mga tinuturuan, sa pagtuturo, at sa marami pang nagay tungkol sa kanyang trabaho. Malaking tulong ang maidudulot ng pag-aaral sa mga sulitanin ng bata, mga guro at maging sa pamamahala ng punong-guro.
Nararapat lamang na bawat guro ay kailangang mag-sagawa ng isang pag-aaral para sa kapakanan ng mga mag-aaral, mga guro at ng buong paaralan.
Sanggunian :
Sevilla, Consuelo, et al , Research Method (2004)
By: Leticia M. Garcia Master Teacher I Bataan National High School City of Balanga, Bataan