Malaki ang ginagampanan ng wika sa pambansang kaunlaran.Isang mahalagang instrumento ang wika sa komunikasyon, nagkakaroon ng kakayahang kumuha at makapagbahagi ng kaalaman; mithiin at nararamdaman sa halos lahat ng aspeto ng pag-aaral at sa ating pang- araw araw ng pamumuhay. Nakasalalay ang epektibong pagkatuto at matagumpay na paghahatid ng mga ideya sa ibang tao sa pamamagitan ng wika. Kinakailangang maging mahusay ang isang indibidwal sa pagsasanay ng wika upang magamit ito nang maayos. Marami ang nagsikap at nagsisikap na mapayaman at mapaunlad ang wikang pambansa. Layunin ng mga pagsisikap na ito na magamit ang Wikang Filipino bilang wikang panturo o midyum sa edukasyon. Dahil sa pagbabago ng panahon ay malaki ang papel na ginagampanan ng wikang Filipino sa edukasyon. Ano ang kahalagahan ng wikang pambansa sa edukasyon? Ito ba ay instrumento tungo sa kaunlaran at kalagayang panlipunan ng isang bansa? Malaki ang tungkulin ng wikang pambansa sa pagtuturo at pagkatuto ng bawat isa.
Itinaguyod ni Manuel L. Quezon na magkaroon tayo ng sariling wikang pambansa, ngunit magpahanggang ngayon hindi pa rin natin masasabing lubos nga ang pagpapahalagang ibinigay natin dito. Sa katunayan, usapin pa rin magpahanggang ngayon kung may kakayahan nga ba ang wikang Filipino na makipagsabayan sa iba pang global na wika ng mundo.
Isanasaad sa Artikulo XIV, Seksyon 6 na ang Wikang Pambansa ng Pilipinas ay Filipino, Samantalang nalilinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa salig sa umiiral na mga wika ng Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa mga tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasiya ng Kongreso, dapat magsagawa ng hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang midyum ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.
Mahalaga ang wikang Filipino sa pagkaunawa ng mag-aaral sapagkat mas malaki ang naitutulong nito sa intelektwalisasyon at ang anumang uri ng kaalaman ay nakapagpapabilis sa proseso ng edukasyon. Mas naipapahayag nila ang kanilang sariling opinyon, damdamin sa isang isyu o usapin sa kanilang pinag-aaralan.Nakatutulong ang paggamit ng wikang Filipino tungo sa mabilis na pagkaunawa ng mag-aaral.
Patuloy na gumawa ng mga hakbangin at puspusang itaguyod pa sa mga paaralan ang Wikang Filipino bilang midyum ng pagtuturo.
By: Lany Vell M. Maderazo | T-I | Limay National High School