Ang tunay na progreso ay makakamit lamang kung handa tayong magsakripisyo. Sa kahit anumang larangan, maging ito’y ekonomiya, pamilya o edukasyon, ito ang masakit na katotohanan na kailangan nating tanggapin.
Pagkatapos ng humigit kumulang limang taon, ito na ang huling taon para sa Kindergraten-to-12th para tuluyan ng makumpleto dahil sa pagpasok ng Grade 6 at Grade 12 sa hanay ng edukasyon. Nagsimula ito sa administrayong Aquino sa ilalim ni dating DepEd Secretary Bro. Armin Luistro at ngayon ay masisilayan na natin ang magiging epekto nito sa kasalukayang pamahalaang Duterte sa ilalim ni bagong DepEd Secretary Leonor Briones. Ayon sa nasabing ahensya, ang mga mag-aaral na magsisipagtapos ng Grade 12 sa susunod na taon ay may kakayahang makapagtrabaho o kaya’y makapagtayo ng sariling negosyo.
Hindi lahat ay ganito ang pananaw sa K-12. May mga nagsasabi na ito ay dagdag na gastusin lamang dahil sa idinagdag na dalawang taon. Marami ding guro sa kolehiyo ang nawalan ng trabaho dahil din sa parehong dahilan. Iginigiit din ng ibang mga eksperto na bumaba ang kalidad ng edukasyon at nahihirapan ang mga mag-aaral dahil sa “spiral progression” na paraan na pagtuturo.
Kung pagbabasehan ang datus ng DepEd, makikita natin na noong wala pang K-12, marami mga nagsisipagtapos ng high school ang hindi na tumutuloy o di kay’y nakakapagtapos ang kolehiyo. Pero sa programang K-12, ang mga magsisipagtapos ng Grade 12 ay may kakayahan nang makapagtrabaho kaagad. Sa panig naman ng mga gurong nawalan ng trabaho, naglaan ang gobyerno ng iba’t ibang uri ng assistance tulad ng karampatang trabaho sa pamamagitan ng pagdagdag ng mga items, mga kaukulang trainings at seminars at marami pang iba. Sa K-12, hindi agarang makikita ang epekto nito sa kalidad ng edukasyon dahil ngayon pa lamang ito makukumpleto kaya dapat tayong maglaan ng pasensiya at positibong pananaw sa naturang programa.
Walang makapagsasabi kung ano ang kahihinatnan ng K-12 sa ating bansa lalo na sa ating mga kabataan. Ngunit ang nasisiguro ko lamang ay mapagtatagumpayan lang natin ito kung tayong lahat ay magtutulungan. Siguraduhin natin ang tamang implemantisyon nito na kung saan hindi lamang tayong mag-aaral ang makikinabang kungdi pati mga guro at magulang.
Ang progreso ng edukasyon ay ang pagtitiwala sa K-12 dahil ito ay “Para sa Bayan, Para sa Bata.”
By: Mr.Leandro Malibiran | Teacher II | Bataan National High School | Balanga City, Bataan