Pasko sa Gitna ng Pandemiya

Sa pagpasok palang ng ika-uno ng Setyembre ay talagang malalasap na ng sinumang Pilipino and simoy ng kapaskuhan. Sa mga buwang nagtatapos sa “ber” ay tila bumibilis na ang pagpatak ng bawat segundo na siyang ginugugol ng mga tao sa paghahanda sa nalalapit na holidays. Ngunit bago sumapit ang buwan ng Disyembre ay may iba’t-ibang…


Sa pagpasok palang ng ika-uno ng Setyembre ay talagang malalasap na ng sinumang Pilipino and simoy ng kapaskuhan. Sa mga buwang nagtatapos sa “ber” ay tila bumibilis na ang pagpatak ng bawat segundo na siyang ginugugol ng mga tao sa paghahanda sa nalalapit na holidays. Ngunit bago sumapit ang buwan ng Disyembre ay may iba’t-ibang okasyon pang daraanan. Sa buwan ng Setyembre ginugunita ang kaarawan ng Mahal na Birhen at sa Nobyembre nagaganap ang All Soul’s Day at All Saint’s Day. Matapos ang mga ito ay tiyak na mas mabilis at maikli na ang araw habang palapit nang palapit ang bisperas ng pasko.

Narito ang ilan sa mga gawain tuwing Ber Months na pawang natural at tradisyon na ng mga Pilipino. Relate ka ba sa mga ito?

Bibingka at Puto bumbong. Dumadami na ang mga nagtitinda ng puto bumbong at bibingka sa mga kalye na siya namang patok na patok sa mga estudyante, guro, bata, matanda, at sa lahat ng tao. Samahan mo pa ng mainit na tsaa na galing sa pinakuluang dahon ng tanglad upang mas madama ang simoy ng pasko.

Christmas decors. Setyembre palang ay nakataas na ang mga dekorasyong pampasko. Christmas tree, lights, garlands, at iba’t ibang disenyo ang inilalagay ng mga Pilipino sa kani-kanilang mga bahay. Isama na rin ang mga parol na nakasabit na kung minsa’y umiilaw pa at nagbibigay liwanag sa daan.

Jose Mari Chan. Tuwing sasapit na ang Ber Months, nagpaparamdam na rin sa mga Pilipino ang ginintuang tinig ni Ginoong Jose Mari Chan. Kapag kabi-kabilaang malls na ang nagpatugtog ng kaniyang mga kanta, tiyak na nalalapit na nga ang pasko.

Karoling. Magsisilabasan nanaman ang mga batang pumupukpok ng tansan upang gawing tambourine at lata ng gatas upang gawing drum. Maririnig na lamang silang kumakanta ng “Jingle Bells” at “We Wish You a Merry Christmas” sa labas ng mga bahay kapalit ng kaunting barya. Sa oras na ikaw ay lumabas at magbigay ay kakantahan ka pa nila ng “thank you, ang babait ninyo.”

Countdown. Sa pagpasok palang ng Setyembre ay nagsisimula nang mag-countdown ang mga Pinoy. Isa na itong tradisyon na kung saan binibilang kung ilang araw na lamang ang natitira upang makapaghanda sa papalapit na kaarawan ng ating Panginoon.

Simbang gabi. Tradisyon na sa Pilipinas ang pagsisimba nang sampung araw na tuloy-tuloy. Sinasabing matutupad daw ang iyong kahilingan sa oras na matapos mo ang pagsisimbang-gabi. Sa panahong ito karaniwang naghahandang gumising nang alas-quatro nang umaga ang mga matatanda at para sa mga kabataan, inihahanda na rin nila ang kanilang mga magagarang damit pamorma.

Malulutong na pera. Naglalabasan na ng mga bago at malulutong na pera ang mga banko. Humanda na ring pumunta kina ninong at ninang upang magmano at manghingi ng aguinaldong kadalasa’y nakalagay sa pulang lalagyan na kung tawagin ay ampao. Sino nga ba ang may ayaw ng malulutong na pera tuwing pasko?

Monito-monita. Uso ito sa mga magkakaklase kapag malapit nang mag Christmas Party o kaya naman sa mga magkakaibigang gustong magpalitan ng regalo. Nagaganap ito kada magtatapos ang linggo at maaring matapos sa mismong araw ng pasko. Tradisyon na rin ito upang mabuhay ang pagbibigayan kahit sa maikling panahon lamang sa isang taon, at iyon ay tuwing pasko.

Hindi lamang ang mga nabanggit ang tradisyon ng mga Pilipino tuwing pasko ngunit marami pang iba. Ang mga ito ang dahilan kung bakit ibang-iba ang pasko sa Pinas. Binubuhay ng kulturang Pilipino ang espirito ng pagbibigayan tuwing pasko at pati na rin ang masayang pagdiriwang ng kaarawan ng Panginoon.

Subalit, ngayong panahon ng pandemiya, maranasan pa kaya natin ang lahat ng ito?

Marahil ang magiging sagot ng marami ay hindi sapagkat mahigpit nang ipinagbabawal ang mga gatherings at ipinatutupad na rin ang social distancing. Bukod pa rito ay mahirap na kalaban ang virus dahil hindi natin ito nakikita. Wala itong sini-sino at maaari nitong tamaan kahit pa ang sarili nating kapamilya.

Sa sitwasyon ngayon ay malabo na ngang maranasan natin ang ating mga nakagawian. Ngunit, hindi ibig sabihin nito na hindi na natin ipagdiriwang ang kapaskuhan. Maaari pa rin nating buhayin ang espirito nito kahit na tayo ay nakakulong sa ating mga sariling tahanan. Online shopping, banking, working, at iba pang ginagamitan ng teknolohiya ang magsisilbi nating paraan upang kumonekta sa ating mga mahal sa buhay. Hindi na problema kung hindi natin maibigay nang personal ang regalo, ang importante ay tayo ay makapagbigay. Nag-iisa man o kasama ang ating mga pamilya sa araw ng pasko, basta’t nabubuhay sa ating puso ang espirito nito, hinding-hindi mawawala ang diwa ng pasko.

By: Jesus F. Apostol | Teacher II |Bataan National High Schooh–SHS |Balanga City, Bataan