Ang pagtuturo ko sa paaralan sa loob ng labinglimang taon ay gaya ng isang pampublikong sasakyan. Ako ang tsuper at ang mga mag-aaral ang aking mga pasahero. Gaya ng isang tsuper, iba’t iba ang mga nakakasalamuha kong indibidwal. Ang mga upuan sa aking silid-aralan ay nauupuan at napapalitan ng iba’t ibang klaseng mag-aaral. Magkakaiba ang antas ng kanilang pamumuhay at magkakaiba rin ang kanilang pag-uugali. Mayroong mga mahiyain at mayroon namang mga maiingay. Mayroong mga makwela at mayroon din namang mga seryoso. Mayroong magagalang at mayroon ding walang pakundangan. May mga mababait at mayroong mga matataray. Mayroong matatapat at may mga nagsisinungaling.
Bawat taon, ang mga estudyanteng umuupo sa aking silid-aralan ay aking obligasyon. Tungkulin kong sila ay matuto at hindi lamang basta makapasa sa kanilang asignatura. Ang kaalamang aking naibabahagi ay hindi sapat na manatili sa kanilang mga isipan kundi magamit nila nang wasto sa kanilang buhay – ito ay patunay ng isang karunungan. May mga pagkakataon na ang aking pagiging guro ay hindi lamang sa pagtuturo ng akademiko. Madalas ay sumasalamin ito sa aking pagiging pangalawang magulang sa kanila. Ako’y laging nakahanda upang magbigay sa kanila ng mga pangaral at payo kung kinakailangan. Ang kanilang personal na suliranin sa buhay gaya ng kahirapan ay madalas na nasasaklawan ng aking patnubay at nagagawan ng paraan. Ang pagtuturo ay hindi lamang paglapat ng mga kaalaman sa mga estudyante kundi nilalakipan ng dedikasyon, pagmamahal, sakripisyo, pagtulong at malawak na pang-unawa.
Sa bawat dulo ng paglalakbay – ang pagtatapos ng mag-aaral, ang aming tungkulin bilang mga guro ay ihatid sila nang maayos at matagumpay sa nais nilang marating sa buhay. Higit sa relasyon ng tsuper at ng kanyang mga pasehero ang relasyon ng guro sa mga estudyante. Ito ay hindi nagwawakas sa kanilang pagtatapos sa paaralan. Ilang taon man ang makalipas, sa pagkrus muli ng aming mga landas, ang kanilang ngiti, pagbati at pasasalamat ang pinakamabuting gantimpala sa pagiging guro sapagkat ikaw ay nakapag-ambag ng malaking parte sa kanilang mga pangarap. Ito ang mga bagay na walang katapat na halaga para sa isang guro. Para sa akin, ang pagiging guro ang pinakamahalagang propesyon. Sa guro dumaraan ang lahat ng uri ng propesyon at ito ang susi ng lahat ng tagumpay sa buhay.
By: Sharon L. Dela Cruz / Teacher III / Bataan National High School, Balanga City, Bataan