PIGHATI

Hindi natin hawak ang buhay, oras o maging ang hinaharap. Walang makapagsasabi kung kailan maniningil ang mundo kaya’t lagi tayong dapat na maging handa sa posibleng peligrong hindi natin inaasahan. Ito ang trahedyang sinapit ng Cagayan nito lamang nakaraan matapos manalasa ang Bagyong Ulysses sa ilang panig ng lugar sa Pilipinas.             Itinaas ang alarm…


Hindi natin hawak ang buhay, oras o maging ang hinaharap. Walang makapagsasabi kung kailan maniningil ang mundo kaya’t lagi tayong dapat na maging handa sa posibleng peligrong hindi natin inaasahan. Ito ang trahedyang sinapit ng Cagayan nito lamang nakaraan matapos manalasa ang Bagyong Ulysses sa ilang panig ng lugar sa Pilipinas.

            Itinaas ang alarm level ng Magat Dam nito lamang nakaraang ika-siyam ng Nobyembre matapos ideklara na umabot na ito sa spilling level bunsod ng ilang sunod-sunod na pag-ulan na sinamahan pa ng bagyong Ulysses. Dahil dito, agarang gumawa ng aksyon ang mga kinauukulan sa pagbabawas ng tubig. Ang Magat Dam ang pangunahing pinagkukuhanan ng tubig sa pang-araw-araw ng mga tao sa kanilang probinsya, bagaman at nakatutulong ito sa pagpapanatili ng supply ng tubig sa lugar ay nagkakaroon naman ng problema lalo na sa panahon kung saan walang tigil ang pag ulan. Iniiwasan ang pag-apaw ng mga Dam sapagkat mas magiging mabagsik ang epekto nito kung hahayaan itong umapaw at tuluyang sumabog. Kagaya ng nangyari sa Magat Dam kung saan ayon kay Richard Orendain, isang hydrologist ng PAGASA ay umabot na sa 192.20 metro ang taas ng tubig malapit sa hangganan nito na 193 metrong taas kung kaya’t kinailangang magpakawala ng tubig. Dahil catch-basin ng mga karagtig probinsya, wala pa man ang pagpapakawala ng tubig sa Dam ay mabilis na ang pag-apaw ng tubig sa ilang karatig lugar sa Cagayan.

            Kung iisiping mabuti ay sapat nang dahilan ang mga nabanggit na pag-ulan at pagpapakawala ng tubig upang animo’y mabura sa mapa ang Cayagan dahil sa paglamon ng baha sa mga kabahayan nito. Sa paglipas ng araw ay dumarami ang bilang ng mga nasasawi dahil sa pagkalunod sa rumaragasang baha. Bata, matanda ay wala itong pinalampas. Hindi lamang buhay ang kinitil nito kundi ang kanilang pangarap para sa mga mahal sa buhay at ari-ariang pinaghirapan. Nakakikilabot marinig ang mga tinig ng paghingi ng tulong. Ang iyakan ng mga bata at sigawan ng mga tao para humingi ng panawagang iligtas ang kanilang buhay. Maging sa social media ay nauumapaw ang mga panalangin at panghihingi ng tulong sa mga kababayan nating nastranded sa lampas taong baha. Ilan sa mga LGU, vloggers at sikat na artista ay agaran nang gumawa ng aksyon at nagsulong ng rescue operation gamit ang mga life boats upang masagip ang mga nastranded sa bubungan ng kanilang bahay, subalit pansamantalang naitigil ang operasyon matapos ideklara na mapanganib na para sa mga rescuers ang sumuong sa malalim na tubig dahil sa current nito. Hindi na kaya ng life boats na sagipin ang mga nasa bubungan ng kabahayan kaya nanagawan sila para sa isang aerial rescue operation.

            Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba ay napaghandaan di umano ng Cagayan ang pagdating ng bagyong Ulysses, subalit ang hindi nila inasahan ay ang pagtaas ng tubig dahil sa Dam. Isinailalim na ang Cagayan sa state of calamity matapos ang dalawang araw na pananatili nitong lubog sa tubig.

            Nakatutuwa ngunit nakalulungkot din na isipin na sa ganitong sitwasyon pa dapat na makita ang bayanihan ng mga Pilipino. Marami rin sa mga Pilipino ang nagpaabot ng tulong sa pamamagitan ng gcash at pagdodonate ng ilang mga damit at kagamitan para sa mga nasalanta. Samantala, sa kasagsagan ng trahedya ay hindi naiwasan na batikusin ang Pangulo ng mga tao. Nagtrending ang panawagan na “Nasaan ang Pangulo?” kasabay ng problema sa Cagayan. Binigyang linaw naman ng Pangulo na kahit siya’y di umano nakapupunta sa probinsya ng Cagayan ay nagsasagawa na ng mga hakbang ang ahensya ng gobyerno sa pagtulong sa mga kababayang Pilipino doon.

            Bukod sa panalangin, mabisa talagang sandata sa ganitong mga trahedya ang pagiging handa at pagtutulungan. Panahon na upang pagtuunan natin ng pansin ang pagpapatigil sa pagkalbo sa mga kagubatan, pangangalaga sa kalikasan, maging ang pagsasaayos ng mga drainage hindi lamang sa Cayagan ngunit sa buong panig ng mundo. Kinakailangan din ng disiplina nating lahat upang maging matagumpay ito at maiwasan pa sa mga susunod na kalamidad ang ganitong sitwasyon. Bilang isang Pilipino, gawin natin ang parte natin sa pagtulong sa Pilipinas at kalikasan. Huwag sana nating hintayin na marami pang buhay ang mawala para lamang matuto tayo.

By: Gng. Ma. Rica E. Adriano | Teacher II | BNHS-Senior Highschool | Balanga CIty, Bataan