Ganito pala ang pakiramdam kapag naging isang guro ka na, mararanasan mo kung paano talaga maging isang magulang sa mga tinuturuan mo. Oo, isang magulang dahil kailangan natin silang ituring na parang mga anak, hindi lang isang estudyante kundi mga anak na kung saan ipaparamdam mo rin sa kanila kung gaano mo sila kamahal.
Kung talagang mahal mo pagtuturo, mararamdaman mo iyonkapag naroon ang pag-aalala mo sa mga estudyante mo.May mga pagkakataon na kailangan silang disiplinahin sa pamamagitan ng pagpapaalala sakanila ng mga makabuluhang bagay na dapat tumalima sa kanilang puso at isipan. Minsan, inaakala nilang pinagagalitan sila ngunit sa likod ng mga salitang nais mong iparating, wala kang ibig pakahulugan kundi ang salitang pagmamahal, pangangaral sa kanila dahil gusto mo lang silang tumino, dahil gusto mo lang maiayos ang kanilang mga buhay, dahil gusto mong iparanas na hanggat nasa iyong mga kamay pa ang mga batang ito bilang kanilang guro, gusto mo maranasan nila ang pagmamahal na minsan nilang hinahanap-hanap sa ibang tao, hindi natin masasabi na lahat nakukuha nila sa mga magulang nila, kapatid, kamag-anak.
Mayilang pumapasok ng maagang-maaga,akala mo natalo sa sugal, nakipaghiwalay sa nobya, napagalitan pero mukha pa lang nila ramdam mong may mali, ramdam mong may kulang. Kaya isang hamon para sa isang gurong tulad ko na maging sensitibo sa mga nararamdaman nila na kahit yung tipong ikaw na ang may problema ikaw na ang magpaparaya. Kailangan pagharap sa klase ikaw ay masaya dahil naniniwala ka na sa kasiyahang naibabahagi mo, may mga luhang napapawi, may mga problemang nagkakaroon ng pag-asang harapin. At ang sarap malaman na mababalitaan mo na totoo ang mga iyon, may mga taong nawawalan na ng pag-asa pero dahil sa ginawa mo para sakanila, natatanglawan nila ang panibagong pagasa at sigla upang harapin ang problema. Minsan pa nga’y lagi nilang tinatandaan ang mga payo mo at binabalita na dahil sayo nagiging okay sila.
Iyon na marahil ang katuparan ng salitang “students don’t care how much you know, until they know how much you care”. Alam ko na mahalaga na alam mo ang bawat itinuturo mo sa mga bata pero iba pa rin kapag dating sa hindi mo lang ito alam, kundi alam mo rin ang pakiramdam ng bawat isa kung paano sila matuto.
Hindi ako ang magaling , hindi ako ang bida dito…
Salamat sa Diyos na nagbigay ng talentosa atin upang magamit natin sa mga ganitong pagkakataon. Oh diba?Tunay ngang kung ano ang nararamdaman nila, mararamdaman mo rin kasi mahal mo sila bilang mga anak mo, ayaw mo lamang na matuto sila kundi gusto mo rin namapabuti sila ng kalagayan.
Aminin man o hindi mayroong araw na dumarating sa atin na hindi nakakayanang itago ang totoong damdamin at hinanakit sa likod ng maskara ng isang masiyahing guro. Batid kong hindi ako perpekto. May mga araw na kahit anong pilit na itago ang inis dahil sa tila ba pagwawalang bahala ng mga batang ito, matatanggal at makikita nila ang tunay na repleksyon ng puso- ang pagiging balat sibuyas at pagtatampo.
Ngunit sabi nga ng ating mga ninuno, kailangan dumaan ang isang pagkakaibigan sa isang pagsubok nang sa gayon ay mapagtibay pa ito at maging dalisay sa paglipas ng panahon. Tuwing haharapin ko ang aking mga estudyante dala ko ang pusong handang magbigay ng walang hinihinging kapalit at bitbit ko ang pang-unawang kung minsan ay nauupos man pero walang sawang bubuhayin para sa bata, para sa bayan.
Kung ano ang ibinigay at ginawa mo sa kanila, ayon din naman ang iyong matatanggap sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Ganito pala. Ganito pala ang pakiramdam na kung ano ang nararamdaman mo ramdam ka rin nila.Tarok ng aking isipan na maraming pang pagsubok ang aking kahaharapin maliit man o malaki, ako’y magpapatuloy sapagkat naniniwala ako na ang Diyos ang aking sandigan. Mapagod man ngunit hindi susuko sa laban na kung saan ako at ang mga tao sa apat na sulok ng aking silid-aralan ang mananalo.
By: Mr. Mark Harold D. Custodio | Teacher II | Bataan National High School | Balanga, Bataan