PINTA

Sandaling tumahimik. Sandaling ilibot ang mga mata. Diba’t kay ganda? Sige halika’t isara mo naman ang iyong mga mata. Madilim ba, wala kabang makita? Ganyan ang buhay mo kung sasayangin mo ang pagkakataon mo para matuto. Saglit! Halika iguhit natin ang pangarap mo at unti unti nating kulayan ito. Sino nga ba ang tutulong sa…


Sandaling tumahimik. Sandaling ilibot ang mga mata. Diba’t kay ganda? Sige halika’t isara mo naman ang iyong mga mata. Madilim ba, wala kabang makita? Ganyan ang buhay mo kung sasayangin mo ang pagkakataon mo para matuto. Saglit! Halika iguhit natin ang pangarap mo at unti unti nating kulayan ito. Sino nga ba ang tutulong sa atin upang makulayan ang mga pangarap na kay tagal nating iginuguhit?

 

Tunay ngang ang edukasyon sa buhay ng bawat isa ay kapara ng isang walang katapusang paglalakbay sa mundong sinasaklawan ng aspektong ‘pagbabago’. Ito ang pinaka-makapangyarihang sandata na kahit sinuman ay walang kakayahang baguhin at angkinin sapagkat ito ay permanenteng nakaukit na sa diwa at kamalayang pantao ng isang nabubuhay. Sa bawat umaga ng ating buhay, tayo ay binabasbasan ng Poong Lumikha ng kalayaan upang makaanib at makasabay sa kung ano mang kakatwa ang sumasaklaw sa ating lipunang kinabibilangan. Hindi man lingid sa ating kamalayan subalit buhat nang tayo ay nasa sinapupunan pa lamang ay batid na natin ang espiritu ng ‘pagkatuto’. Ang mga guro natin ang mga taong nagpupuyat sa gabi upang maghanda ng aralin para sa susunod na araw. Sila ang mga taong nagpupuyat upang matapos mabigyan ng grado ang pagsusulit ng kanilang mga estudyante. Sila ang mga taong puyat sa gabi ngunit buong lakas, buong puso at buong siglang pumapasok at hinaharap ang kanilang mga estudyante. Sila ang mga taong hindi natin napapansin, dahil iniisip natin na sila ang nagpapahirap sa atin gawa ng mga binibigay nilang mga proyekto, takdang aralin at pagsusulit. Sila ay ilan sa mga taong lubos na nagmamalasakit sa atin. Sila ang mga taong naniniwala sa ating kakayahan. Sila ang mga taong nagtitiwala sa atin. Wala dahilan upang hindi natin sila ituring na isang bayani. Buong puso silang naglilingkod sa ating mga kabataan dahil naniniwala sila na tayo ang pag-asa ng bayan; naglilingkod sila para sa ikabubuti ng bayan. Dakila sila. Dakila ang napiling daan ng mga gurong ito.

 

Sila! Sila ang magtuturo sayo. Sila ang magiging pangkulay mo sa pangarap na gusto mong makamit. Walang iba kundi ang mga guro. Hindi alintana sa kanila ang pagod na inilalaan matuto lang tayo. Kaya huwag mong sayangin ang pagkakataon na ito upang ang dating guhit na pangarap ay isa ng makulay at makatotohanang bagay. Ngayon, handa ka na bang pahalagahan ang iyong edukasyon gayon din ang iyong guro? Sige halika  sila ang tutulong sa atin upang malagpasan ang bawat lebel ng edukasyon.

 

Ayan na malapit na malapit nang mabuo ang iyong pinta. Konting tiis na lamang at ito ay tapos na. Huwag ka ng magaksaya ng oras. Ikaw ay magtiyaga upang ito ay magawa na. Ang pagtitiis ay hindi dapat mawala dahil dito sa mundong ibabaw ang may tiyaga sa edukasyon ay may pangarap na hindi puro ilusyon.

By: Jhonalyn P. Onsan | Teacher II | Bataan National High School| City of Balanga, Bataan


Previous