Ngayong pandemya ay mahigpit na ipinagbabawal ang pamamalagi sa labas o daan ng mga tao. Ito ay parte ng pag-iingat na isinusulong ng pamahalaan upang maiwasan ang dumaraming bilang ng positibo Covid-19 na pasyente. Marami sa mga nakagawiang libangan ng mga Pinoy ang nahinto dahil dito. Bilang isang Pilipino ay parte ng ating kultura ang pagiging ligalig sa paglibot sa iba’t ibang lugar, pakikipagkwentuhan sa daan bilang libangan ng mga matatanda at paglalaro sa daan para sa mga bata. Subalit ang mga Pilipino ay likas na maraming libangan. Hindi tayo nauubusan ng mga pakulo para lamang hindi mabakante ang libreng oras.
Naging patok ngayon sa Pilipinas ang pag-aalaga ng mga halaman. Samo’t saring mga uri nito ang ibinibida sa kahit saang social media platforms. Binansagan pa ngang “plantito at plantita” ang mga nahihilig dito dahil madalas na ang mga matatanda, partikular ang ating mga Nanay, Tatay, Tito, Tita, maging mga Lolo at Lola ang numero unong nangunguna rito. Sa isang banda, bukod sa pagiging isang malaking tulong nito sa kalikasan dahil sa pagpapalakas ng panawagan sa adbokasiya ng pangangalaga rito ay sinasabi ng maraming ito rin ay pamamaraan upang malabanan nila ang anxiety at pag-iisip ng mga problema ngayong panahon ng pandemya. Ayon sa panayam ng ABS-CBN News kay Cainglet, ang may-ari ng City Plants PH “Sa mga kwento ng old and new clients, nakaka-relieve talaga ng stress ang paghahalaman.” Dagdag pa niya, “Malaki ang psychic reward kapag nakita mong mayroon kang napapalaki at nabubuhay dahil sa pag-aruga mo.”
Sa katunayan ay maraming mga mababasa online ukol sa mga hakbang na dapat gawin upang di umano ay maging matagumpay tayong plantito at plantita. Isa rin sa maganda sa pagtatanim ng mga halaman ay maaari natin itong gawing kabuhayan at ibenta online sa halagang maaari nating maipantutustos sa pangangailangan sa pang-araw-araw lalo ngayon at suspendido ang ilan sa mga trabaho at delikado ang makisalamuha sa ibang tao. Hindi lamang mga nag-aalaga ng halaman ang maaaring kumita rito kundi maging ang kanilang supplier ng mga paso, fertilizer at iba pang mga gamit sa paghahalaman.
Sa kabila ng dagok na dulot ng pandemya sa ating mga Pilipino ay nakikita pa rin dito ang pagiging maparaan natin sa buhay, maging ang pagiging positibo ng pananaw at pagpapanatili ng saya sa pamamagitan ng simpleng pagtatanim ng mga halaman. Nawa’y kahit na mawala man ang Covid-19 ay maipagpatuloy pa rin natin ang ganitong libangan upang mas maging maingay ang panawagan sa pagapapasigla sa paghahalaman at maimpluwensyahan ang ibang gumaya pa rito. Hindi lamang sa pagtatanim ng magagandang uri ng halaman kundi maging ng mga puno at iba pang makapagbabalik sigla sa ating inang kalikasan.
By: Gng. Ma. Rica E. Adriano | Teacher II | BNHS-Senior Highschool | Balanga CIty, Bataan