Hindi ako mahilig sa numero,nahihilo ako sa dami ng prosesong pagdadaanan ng isang tanong bago makuha ang isang sagot na kadalasan dalawa lang ang dapat mong pagpilian”positive or negative”.
Katulad sa buhay marami tayong katanungan na di natin alam ang kasagutan.
Nang minsang dumalo ako sa isang Christian Ministry maiuugnay ko dito ang inilahad ng aming tagapanayam,sinabi niyang minsan may isang ranchero na may alaga ng mga pangarerang kabayo,isang araw sa kalaliman ng gabi ang mga ito ay nakakawala sa kanilang kulungan.Nalungkot ang ranchero dahil sa pangyayari ngunit kinagabihan nakarinig sila ng yabag ng takbuhan ng mga hayop,nagulat ang ranchero dahil bumalik ang mga kabayo na mas marami pang naakay na mga kabayo.
Ganito rin ang ating buhay hindi natin alam kung paano ba magiging maganda ang epekto ng mga pangyayari.Nakasalalay mismo sa atin kung paano natin ito matatanggap.Maraming dahilan ang Diyos kung bakit hindi ibinibigay sa atin ang ating mga kahilingan katulad na lamang ng nangyari sa isang ama na kung saan ang kanyang anak ay naisipang mag-aral magpatakbo ng kabayo,sa kasamaang palad ito ay napilayan ng paa,dahil dito hindi ito makalakad ngunit isang araw nagkaroon ng labanang sibil sa kanilang bayan.Ipinatawag ang mga kalalakihan upang gawing kawal pero dahil hindi makalakad ang kanyang anak,hindi ito napabilang dito.
Minsan may mga pangyayaring hindi natin alam kung bakit nangyayari katulad sa hiwaga ng buhay kung paanong may isnisilang at namamatay,may problema at may sorpresang handog.Kadalasan ang aral ng paghihintay ay hindi natin matutuhan.May nagsabi “Ang isang buto ay hindi nagiging isang puno sa isang araw.Maraming buwan ang pagitan ng pagpunla ng bato at pag-aani.Kaya ang nagiging bunga nito ay negatibo at hindi natin alam kung paano ito tanggapin at gawin itong positibo.
Halimbawa na lang ay sa “pagsunod”paano ba natin ito nabibigyan ng wastong pagtanggap.Si Haring Saul ay tahasang nilabag ang utos ng Diyos.Pagkatapos sinabi kay Samuel ng saserdote, “Nasunod ko na ang tagubilin ng Panginoon”(1 Samuel 15:13).Nang hamunin siya ni Samuel,igiinit ni Saul na hindi niya sinuway ang Diyos.(tal.20)Alam ng Diyos ang totoo,kaya inalis niya si Saul mula sa trono ng Israel dahil sa pagkasuwail niya(tal.23).
Katulad ng buhay sa pagnanais nating makamit ang ating mga pangarap ginagawa natin ang lagpas sa tama makuha lamang ito.Akala natin ito ay positibong bagay.Ngunit sa tamang panghuhusga sa paghuhukom ng Diyos susukatin tayo batay sa katotohanan ng ating nagawa sa ating buhay.Kaya huwag tayong umasa na kung naging tanyag sa mundo ng tao,sa pagharap natin sa Diyos,maging positibo sana ang pagtanggap niya sa atin.
Katulad sa mga panahon ng buhay paano ba natin ito tinatanggap,positibo dahil sa patuloy nating mabuhay ng puno ng bunga o negatibo dahil walang magandang nangyayari rito.Minsan naitatanong natin sa ating mga sarili bakit ninanais ng Diyos na tayo ay humina at tumanda?May nagsasabi na ganda ng kabataan ay pisikal ngunit ang lakas ng matanda ay ispiritwal.Unti unti nawawala ang ating lakas at ganda,paano ba natin ito ginagawang positibo o nagkakaroon tayo ng negatibong pagtanggap dito.Ngunit may isang tanong na dapat nating isaalang-alang,kung mananatili tayong bata,malakas at ,maganda baka ayaw na nating umalis.
Siguro nga hindi ko gusto ang mga numero at iba’t-ibang proseso sa pagkuha ng sagot sa bawat problema.Ngunit mahalaga ang pag-unawa natin sa kung paano ang tamang solusyon para dito.Katulad ng buhay,mahiwaga ngunit kasabay ng paghanap ng solusyon sa bawat suliraning dumarating sa ating buhay,negatibo o positibo man manalig lamang tayo sa Diyos at lahat ng ibinibigay niya ay naaayon sa ating kabutihan.
By: Jhomar C. Dela Rosa | Arellano Highschool | Balanga, Bataan