“Ang edukasyon ay isang sandata para sa pag-usad ng nasyonalismo.”
– Gat. Jose Rizal
Walang duda’t alinlangan na sadyang mahalaga ang edukasyon sa paghubog ng isang magandang kinabukasan ng ating mga kabataan. Ang patuloy na pagkauhaw sa karunungan at paghasa ng talino tungo sa magandang bukas.
Paiba-iba at pabagu-bago ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas mula noong unang panahon. Simula pa man sa kasagsagan ng panlulupig ng mga Kastila, Amerikano at Hapones hanggang sa ngayon ay patuloy na nagbabago ang kurikulum upang higit itong mapaunlad para sa paghahasa ng kamalayan ng susunod ng salinlahi. Malawakang pag-asam ng mga mamamayan para sa higit na maayos na edukasyon. Binibgyang importansya ang edukasyon dahil ito’y daan tungo sa maunlad na ekonomiya at pamamahala.
Pagtatanim at paghahasik sa punla.
Bago dumating ang mga Kastila, higit na pinagtuunan ng pansin ang pagiging lider upang makatulong sa pag-unlad subalit ito ay hindi pormal, magulo at kulang sa kagamitan. Higit ding itinuturo sa mga bata ang bokasyon kumpaara sa akademiko gaya ng pangangaso para sa mga lalaki at mga gawaing bahay para sa mga babae bilang preparasyon nila sa pagpapamilya.
Pag-usbong ng punla.
Samantala, sa panahon ng mga Kastila, hinalinhan ng mga misyunaryong Kastila ang mga guro sa tribo. Pormal at kontrolado ang sistema nila sa pagtuturo. Naging layunin ng simbahan ang pagsisiwalat ng edukasyon ngunit lubos na binigyang pansin ang mga Doktrinang Kristiyano kaysa sa agham at matematika. Dahil dito, naging mabisa ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo ng mga Prayle. Kaugnay pa nito, itinuturo rin ang mga wikang Kastila at Latin. Subalit nakapasok lamang mga Pilipino sa mga paaralang hawak ng mga Kastila sa kaduluhan ng ika-19 na siglo dahil limitado lamang ang pagkuha nila ng mga estudyante, samakatuwid kinukuha lamang ay ang mga mayayamang Ilustrado noong taoong 1863.
Ayon sa mga mananalaysay, talamak sa kalupitan ang mga Prayle sapagkat ramdam ito sa pagpapatakbo nila sa mga paaralan. Sila ang laging nasusunod sapagkat pagmamay-ari nila ang iba’t ibang paaralan. Samantalang ang mga misyunaryo naman nagsisipagturo’t gumagawa sa mga batas na ipinapatupad sa mga mag-aaral at nagbigay ng importansiya sa Katolikong pamumuhay na siya namang ginamit bilang gabay sa pag-aaral ng mga estudyante. Samakatuwid, ang edukasyong ipinagkaloob ng mga Kastila sa mga Pilipino ay isang palusot lamang upang manatili ang Pilipinas sa kanilang kolonya.
Ngunit matapos ang mahabang panahon, nagkaroon ng Educational Decree 1863 na kung saan nagsasaad na kinakailangan ng gobyerno na magkaroon ng isa o higit pang paaralan sa elementarya para sa mga batang babae at lalaki sa isang bayan. Libre ang edukasyon subalit nasa wikang kastila ang ilan o karamihan sa mga leksiyon.
Sa panahon naman ng mga Amerikano, naramdaman ang epekto ng kanilang pananakop dahil sa sistema ng pampublikong edukasyon na itinayo nila sa Pilipinas. Ayon sa mga mananaliksik, matapos mapasakamay ng mga Amerikano ang Maynila noong Mayo 1898, sinimulan ang pagtatatag ng mga pampublikong paaralan. Sa una, mga sundalong Amerikano muna ang nagsilbing unang guro na sa kalaunan hanggangmapalitan sila ng mga gurong Amerikano na kung saan ng barkong Thomas noong 1901 at silang itiinalaga sa Maynila at mga lalawigan ng Pilipinas na nakilala bilang mga Thomasites.
Buhat nito, sa ilalim ng Batas bilang 74, itinatag ang Kagawaran ng Pampublikong Instruksiyon. Sa pamamagitan din ng batas na ito, nabigyang-daan ang pagkakaroon sa bansa ng mga normal school at trade school tulad ng Philippine Normal School o University at ang Philippine School of Arts and Trades na kilala ngayon bilang Technological University of the Philippines.
Nang sumapit naman ang taong 1903, nagpadala ng mga Pilipinong iskolar ang pamahalaang kolonyal sa Amerika na tinawag na mga pensionado dahil tinutustusan ng pamahalaan ang kanilang pag-aaral. Marami sa kanila ang nakapagtapos ng edukasyon, abogasya, medisina at inhinyeriya. Pagbalik sa Pilipinas, sila na ang mga nagsilbing guro at propesor o tagapaglingkod sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ng Pilipinas.
Dagdag pa rito, ipinatupad ng Asamblea ng Pilipinas ang Batas Gabaldon noong 1907 na isinulat ng mambabatas na si Isauro Gabaldon ng Nueva Ecija. Ayon dito, binigyang-bisa ang pagtatayo ng dalawang pampublikong paaralan sa bawat lalawigan. Dahil ditto, maraming estudyante ang nakapasok sa mga pampublikong. Subalit wikang Ingles ang ginamit bilang wikang panturo.
Higit na naging mas malakasang epekto ng programa ng mga Amerikano kung ikukumpara sa panahon ng Kastila dahil naging mas malawak ang saklaw nito. Malaki ang bahagdan ng mga mamamayan na natutong bumasa at sumulat. Mula rito, ang wikang Ingles ay siyang naging pangunahing wika saedukasyon at pamamahayag. Naging daan din ang edukasyon sa pagsalin ng mga kaalamang Kanluranin ukol sa pangangalaga sa kalusugan at pagpapanatili ng kalinisan sa kapaligiran upang makaiwas sa sakit.
Bukod pa rito, sa panahon din ng mga Amerikano naitatag ang mga pamantasan tulad ng Unibersidad ng Pilipinas noong 1908 na naging sentro ng edukasyong sekular na hindi katulad ng mga pamantasang pinatakbo ng mga Kongregasyong Katoliko.
Binigyang-laya rin ng mga Amerikano ang ibang sekta ng relihiyon na makapagtatag ng mga institusyong pang-akademya gaya ng mga Protestante na nagtatag ng Silliman University noong 1901 sa Dumaguete na kung saan matatagpuan sa isla ng Negros. Kabilang din ditoang mga sekular na pribadong mga pamantasan tulad ng Far Eastern University at University of Manila. Gayundin ang ang pagtatatag ng mga unibersidad para sa kababaihan tulad ng Escuela de las Señoritas na kilala bilang Centro Escolar University at Philippine Women’s University na nagbigay-daan para sa pag-usbong ng mga babaeng propesyonal sa larangan ng medisina, abogasya at edukasyon.
Pagdating naman ng mga Hapones sa Pilipinas, sa kabila ng kamay na bakal, binigyang-diin nila ang pagpapalaganap ng kulturang Pilipino o ang pagmamahal sa sariling wika gaya ng turo ni Gat. Jose Rizal. Kabilang din dito ang marapat na pagtuturo ng edukasyong bokasyunal at pang-elementarya, pagpapalaganap ng wikang Hapones o Niponggo at pagtataguyod ng pagmamahal sa paggawa.
Pamumukadkad ng punlasa kabila ng mga suliranin.
Mula sa paglimi sa mga pinagkaiba ng edukasyon noong panahon ng mga Kastila, Amerikano at Hapon hanggang sa kasalukuyan nabigyang-patunay ng mga dalubhasa sa araling panlipunan na sa panahon ng mga Kastila, tanging mga ilustrado lamang ang mga nakakapag-aral sapagkat sila lamang ang may kakayahang makapagbayad ng matrikula at mapadala sa Europa. Noong panahon naman ng mga Amerikano, prayoridad na ang lahat ng kabataan ay makapag-aral, pati na rin ang kababaihan at ang mahihirap. Ibang iba ito sa panahon ng Kastila, pagka’t nagkaroon din ng mga pampubliko at pribadong paaralan na hindi hawak ng simbahan. Samantala, sa panahon ng Hapon ay ipinatupad nila ang code of ethics sa pagtuturo upang ma-kontrol ang edukasyon. Nabigyang-punana ang kalidad ng edukasyon sa mga panahong iyon ay hindi tulad sa kasalukuyang panahon. Ito’y dahil sa pagkakaroon ng mga repormang pang-edukasyon sa pagdaan ng taon.
Sa bawat administrasyon ng bansa, may mga panukala silang ipinapatupad hinggil sa mga tinig ng mamamayan. Kasama na rito ang pagpapatupad ng House Bill 4701 o ang “Strengthening and Enhancing the Use of English as the medium of Instruction in Philippine Schools” subalit hindi ito istriktong isinakatuparan sapagkat ayon kay dating Undersecretary ng Edukasyon na si Mike Luz, nakakapagliligaw ito sa pagpapahalaga sa paggamit ng wikang Ingles kaysa sa Filipino.
Samantala, alinsunod sa administrasyon na pinangunahan ni Pangulong Benigno Aquino na nagpatupad sa pag-aayos ng edukasyon ng Pilipinas, nais niyang maging patas ang mga pribado at pampublikong paaralan kaya’t isinakatuparan niya ang Labindalawantaong Batayang Edukasyon o ang mas kilala bilang K to 12 kung saan ang lahat ng paaralan ay magkakaroon ng labindalawang taon sa pagpapaaral sa kabataan, mapa-pribado man o pampubliko. Kabilang na rin dito ang pagkakaroon ng unibersal na preschool para sa lahat, edukasyong Madaris para sa mga kabataang Muslim na nagsisilbing sub-system sa loob ng sistema ng edukasyon, pagbalik ng edukasyong teknikal-bokasyunal sa mataas na paaralan, “Bawat Bata, Mambabasa” sa Unang Grado, kahusayan sa Agham at Matematika, pagtatag ng sistema sa mga pribadong paaralan upang makatulong sa batayang edukasyon, makatuwirang midyum ng pagtuturo, dekalidad na batayang-aklat, at kasunduan sa pamahalaang lokal na magtayo ng marami pang paaralan. Ayon kay Pangulong Aquino, edukasyon ang siyang solusyon sa problema ukol sa kahirapan at kawalan ng trabaho.
Sang-ayon naman sa Kagawaran ng Edukasyon (DepEd), magiging matagumpay ang pangangasiwa sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas batay sa maayos na paghahanda para sa kinabukasan, sa istraktura ng sistema, at sa kalalabasan ng tamang edukasyon. Kung kaya’t bilang tugon dito, kailangan ng partisipasyon ng bawat paaralan.
Tuluyang pagyabong.
Ayon kay Gat. Jose Rizal, ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pundasyon naman ng lipunan ang paaralan. Kaya’t kung magkakaisa ang lahat, makakamit ang iisang tunguhin – ang pag-unlad ng buong nasyon.
By: Jo-Ann A. Zausa | Teacher I | Mariveles National High School-Cabcaben | Mariveles, Batan