Rewind

Masayang tumanda kasama ang ating mga mahal sa buhay at sulitin ang bawat segundo ng ating buhay sa mundo. Paano nga ba kung isang araw ay gumising na lang tayo na wala na ang taong minamahal natin? Paano natin mababawi ang mga oras na sana ay masaya natin silang kasama? Ang pelikulang Rewind ay isinulat…


Masayang tumanda kasama ang ating mga mahal sa buhay at sulitin ang bawat segundo ng ating buhay sa mundo. Paano nga ba kung isang araw ay gumising na lang tayo na wala na ang taong minamahal natin? Paano natin mababawi ang mga oras na sana ay masaya natin silang kasama? Ang pelikulang Rewind ay isinulat ni Enrico C. Santos, sa direksyon ni Mae Cruz- Alviar. Ito ay pinagbidahan ng mag-asawa na sina Dingdong at Marian Rivera-Dantes na ipinalabas noong ika-25 ng Disyembre taong 2023. Umani ito ng maraming positibong reaksyon mula sa mga manonood dahil na rin sa magandang istorya nito na kapupulutan ng aral hindi lamang sa buhay may asawa kundi pati na rin sa pagsasama ng isang pamilya. Alam naman natin na sa panahon ngayon ay maraming pamilya ang malayo ang loob sa isa’t isa. Hindi natin namamalamayan ang pinagdadaanan ng mga tao na nasa paligid natin dahil nakapokus tayo sa kung ano ang ating nararamdaman. Sa aking napanood na pelikula ay nakita ko ang aking sarili sa karakter ni Mary na mas piniling isantabi ang kanyang personal na pangarap para sa pamilya. Pangarap ko na makapag-aral muli at makapagtapos ng master’s degree. Bilang isang guro, mahalaga na magkaroon pa ako ng karagdagang kaalaman na magagamit ko sa aking pagtuturo. Totoo na marami namang paraan para patuloy na matuto lalo pa sa panahon natin ngayon ngunit iba pa rin kung may matibay akong pundasyon ng karunungan na maibabahagi ko sa aking mga estudyante. Sa kuwento si Mary ay isinantabi ang kanyang pangarap para maalagaan ang kanyang pamilya. Samantala, isinantabi ko muna ang aking pangarap dahil prayoridad ko muna ang pangangailangan ng aking anak, naniniwala akong makakapag-aral ulit ako. Sabi nila kapag ikaw ay nag-asawa na ay hindi ka na mag-isa, palagi mong iisipin ang iyong asawa lalo na sa pagdedesisyon. Mula noong ako ay nag-asawa, ito ang isa sa palagi kong ginagawa. Gusto ko kasi na hindi lang ako ang nag-iisip ng mga paraan o desisyon na dapat namin gawin bilang mag-asawa. Kahit sa ihahandang ulam ay nagtatanungan kami lalo na kung hindi ako makapili ng ulam na iluluto. Mabuting kahit sa mga simpleng bagay ay matuto kaming magtulungan sa pagbuo ng desisyon. Sa ngayon, marami na kaming mga ginawang desisyon na pinag-usapan namin nang masinsinan bago namin gawin. Palagi kong sinasabi sa kanya na sa pagbuo namin ng desisyon ay isipin namin ang ikabubuti ng aming anak. Sa aking pagiging guro, madalas ay nakapokus ako sa mga dapat kong gawin. Hindi maiwasan na maging dahilan ito ng aming tampuhan kaya naman ginagawa ko ang lahat para magkaroon ako ng oras sa aking pamilya kahit gaano pa ako kaabala sa aking mga gawain. Kahit kami ay mag-asawa na hindi namin inaalis na magkaroon ng panahon para makapag-date. Kahit limang buwan pa lamang ang aming anak ay sinisikap namin na magkaroon ng oras para siya ay laruin. Natutuhan ko rin na kailangan kong kumustahin ang aking kabiyak. Hindi ako dapat na nakapokus lang sa aking nararamdaman. Hindi lang ako ang napapagod at nasasaktan, dapat ay iniisip ko rin ang nararamdaman ng aking kabiyak. Humihingi kami ng kapatawaran kung mayroon kaming nagagawang kamalian. Ipinaparamdam din namin ang pagmamahal sa isa’t isa kahit sa mga simpleng paraan. Mahalaga ang koneksyon ng mag-asawa para magtagal ang pagsasama. Ang pag-uusap o kumustahan sa mga nangyari sa buong araw ay makatutulong para maiparamdam na mayroong nagpapahalaga at nakauunawa sa bawat isa. Ang pagdadamayan sa problema ay nagpapatibay ng pagsasama. Hindi maiiwasan ang mga problema, ang mahalaga ay magkaroon ng pagkakaunawaan at pagtutulungan. Isa sa pinakamahalagang itinuro ng pelikulang Rewind ay dapat na matuto tayong tumanggap ng ating pagkakamali, humingi ng kapatawaran sa Panginoon at patawarin ang ating sarili. Hindi katulad sa pelikula na binigyan si John ng pagkakataon na baguhin ang nangyari sa nakaraan, iba ito sa reyalidad lalo na kung buhay ng isang tao ang pinag-uusapan. Hindi natin habang buhay kasama ang ating mga minamahal. Kung mayroon tayong nagawang pagkakamali dapat ay matuto tayong humungi ng tawad. Huwag natin ipagsawalang bahala ang mga tao na nakakasama natin. Iparamdam natin sa kanila ang ating pagmamahal at pagsaluhan ang mga masasayang alaala. Sulitin natin ang bawat segundo dahil sa totoong buhay hindi lahat ay puwede nating i-rewind.