Panahong makabago. Oras ng batang populasyon. Araw ng mga Kabataang mulat sa mga bagong wika at mangmang sa mga salitang dayuhan na mahirap unawain at gamitin. Kaya naman sa reyalidad ng buhay pagdating sa pang-araw-araw na buhay ng mga mag-aaral ay hirap silang makipagkomunikasyon at makisalo sa talakayan kapag ang asignatura ay ginagamitan ng wikang Ingles. Kung kaya’t napapansin ko ngayon na pagdating sa asignaturang Filipino ay buhay na buhay ang aking mga Mag-aaral.
Katunayan nga ay hindi lamang basta buhay at masigasig sa talakayan ang mga mag-aaral kung hindi ay nailalabas pa nila ang kanilang sarili at saloobin dahil bihasa na silang magsalita ng Filipino at nakakaangkop sila sa mga usapin at aralin na tinatalakay. Mga kuwentong may hawig sa kanilang karanasan. Nobela na naghahatid sa kanila ng hamon. Tula at Talambuhay na nagdudulot ng inspirasyon.
Kung kaya’t patunay lamang ang mga ito na ang asignaturang Filipino ay nakakatulong upang lalong magkaroon ng interes at pagnanais ang mga mag-aaral na pumasok at matuto sa mga bawat klase at aralin. Masaya ang bawat talakayan, napagagaan ang mabibigat na usapan. Naririnig ko ang boses ng mga kabataan at nakakatulong ako kahit sa maliit na paraan. Nagiging positibo ang pananaw ng mga kabataan sa lahat ng bagay. Posibleng maging daan ito sa mabilis na pag-unlad ng pagkatao at pagkatuto. Ang mga kabataan ay marunong ng magsalita, makinig at kumilos. Kung hindi mawawala ang pagtutulungan at kaisahan, tiyak na higit pang gaganda ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa. Ang asignaturang Filipino ay isa sa mga dahilan ng nasabing pagiging totoo ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon.
By: Myla B. Manrique | Teacher II | Bonifacio Camacho High School | Abucay, Bataan