Zzzz…zzzz…zzzz… Ito na ramdam ko na naman ang bibrato ng kwadradong bagay sa aking ulunan. Babangon nang hindi pa nasisilayan ang araw, pilit na ginigising ang diwa at katawan. Nagmamadaling banyusan ang nilalamig na katawan. Wala ng oras sa umagahan, aalis nang walang laman ang kalamanan, papasok sa kwadradong lugar na halohalo ang ingay ng hiyawan. “Katahimikan!” nahinto ang tawanan mistulang gubat na nababalot ng dilim at katahimikan.
Siyesta, oras na dapat ay pahinga at payapang nagkakainan, nang biglang may lumapit sa aking harapan. Isang bata, batang tumatangis sapo ang kaniyang ulo sabay sabing “makirot ho”. Umiling na inabot ang kapirasong tableta, “ito inumin mo”. “Maraming salamat ho” tugon ng bata sabay alis. Buntong hiningang ipinapatuloy ang pagkain.
Ilang oras na nakikidigma, halos lumaylay ang dila, maikampanya lang ang tinaguriang susi ng tagumpay na minsang sarili rin ay nagbantulot kung ano nga ba ang tunay na tagumpay. Oras na para iligpit ang gamit, oras na para magmartsa palabas ng gubat, Gubat na patuloy na babalikan upang maghanap-buhay, mababangis na nilalang na sa pang-araw-araw susupilin. Hapo na ako ngunit kailangan ko. Sa palagay mo, ano ako?