SAHOD NG MGA GURO: SAPAT BA PARA SA KANILANG MGA PANGANGAILANGAN?

Noong ako’y nasa elementary pa at hanggang magsekundarya ay naaalala ko ang ilan sa mga guro sa aming paaralan na nagtitinda ng papel, coupon bond, yema, pulboron at iba pang puwede nilang pagkakitaan. Hanggang ngayon na ako ay isa na ring guro ay nakakakita pa din ako ng mga gurong nagtitinda sa eskwelahan. Ipinagbabawal ito…


Noong ako’y nasa elementary pa at hanggang magsekundarya ay naaalala ko ang ilan sa mga guro sa aming paaralan na nagtitinda ng papel, coupon bond, yema, pulboron at iba pang puwede nilang pagkakitaan. Hanggang ngayon na ako ay isa na ring guro ay nakakakita pa din ako ng mga gurong nagtitinda sa eskwelahan.

Ipinagbabawal ito ng DepEd sa kadahilanang maaaring mapabayaan ng mga guro ang kanilang pangunahing responsibilidad – ang pagtuturo.  Ngunit isa lamang ito sa mga paraan upang matugunan ng mga guro ang kakulangan nila sa pinansiyal na aspeto dahil sa hindi sapat na sahod nila. Kung hindi sila magtitinda ay maaaring wala silang pambayad sa duktor kung sila ay magkasakit o magkasakit ang ibang miyembro ng pamilya. Idagdag pa natin ang katotohanang karamihan sa mga guro ay halos apat na libo na lang ang take home pay dahil sa mga kaltas sa utang kaya pati ang ATM ay naisasangla na rin.  Hindi sana ito mangyayari kung mayroong dagdag na sahod ang mga guro.

Sino ang makakalimot sa tatlong gurong pinaslang at apat na iba pang nasugatan dahil sa pamamaril ng isang opisyal ng pulis sa Lingayen, Pangasinan.  Siya ay naningil ng kanyang pautang at nang di  magbayad di umano ang mga guro at dahil na rin sa nagkainitan ang dalawang panig ay di nakapagpigil ang pulis at sila ay pinagbabaril.  Nakapanlulumo ang pangyayari lalo na’t mga guro ang binaril at sa loob pa ng Lingayen National High School. Naganap ang pangyayaring ito dahil sa kulang ang sinasahod ng guro at kailangan pa nilang mangutang para matustusan ang pangangailangan nila.

Sinasabing ang ating mga guro ay overworked and underpaid.  Dahil dito dalawang mambabatas ang nagpanukala na dagdagan ang minimum salary ng mga guro mula sa 18,500 pesos ay magiging 36,000 pesos ito.

Ang House Bill 4081 na isinulong  ng Magdalo Representatives na sina Francisco Ashley Acedillo at Gary Alejano ay naglalayong itaas ang salary grade level ng mga guro sa elementary at high school mula sa kasalukuyang salary grade 11 ay maging salary grade 20.

Sa kasalukuyan, ang minimum salary ng mga guro ay 18,549 pesos sa ilalim ng third phase ng Salary Standardization Law.  Samantalang ang mga empleyado ng gobyerno na may salary grade 20 ay sumasahod ng 36,567 pesos.

Ayon sa panukala, ang pagtaas ng sahod ng mga guro ay naaayon sa kanilang kwalipikasyon at haba ng pagtatrabaho  o length of service.  Sana nga ay maaprubahan na ito ng ating mahal na president sa lalong madaling panahon.  Mabigyan sana ng malaking budget ang sector ng edukasyon particular ang sahod ng mga guro.

Sa kabila ng katotohanan na ang mga guro ay tinitingala bilang mga maiimpluwensiyang tao na humuhulma ng ating mga kabataan, sila ay hindi nakakatanggap ng makatwirang sahod upang mabuhay ng maayos.  Ang kanilang sahod ay hindi naaayon sa trabahong kanilang ginagampanan.  Makikita din ito sa pag-upo nila sa eleksiyon.  Itinataya nila ang kanilang buhay subalit mukhang di rin makatwiran ang kanilang tinatanggap.  Kung tutuusin madaling araw na kung matapos ang kanilang paglilingkod sa eleksiyon kaya hindi lang kalusugan kundi pati buhay ang nakataya dito.

Marahil kaya maraming mga guro ang nangingibang bansa at yung iba pa nga ay nag-iiba ng hanapbuhay ay dahil sa maliit na kinikita nila.  Mahirap ang trabaho at maliit ang suweldo – ganyan ang maririnig mo sa kanilang mga umalis sa pagiging guro.

Ang mga sumusunod na bansa ay may mataas na pasahod para sa kanilang mga guro:  Finland, Singapore, South Korea, Canada, Japan, Hongkong, Austrialia, New Zealand, Netherlands, at Shanghai, China.  Ang kanilang  kinikita ay kapantay o halos nalalapit sa kinikita  ng mga duktor, abogado at engineers.  Sa Pilipinas, ang suweldo ng mga guro ay mas mababa kaysa sa mga ibang propesyonal.

 Sino na ang .magtuturo sa ating mga anak kung aalis sa pagtuturo ang magagaling nating mga guro dahil mas maganda ang oportunidad sa ibang bansa.  Sa hirap ng trabaho, kunsumisyon sa mga makukulit na mag-aaral at maliit na kinikita, ilan kayang mga estudyante ang gusto pang maging guro.  Ikaw, gugustuhin mo bang maging guro ang iyong mga anak kung ganito ang kanilang mararanasan?

By: MARITES T. DOMINGO | Teacher III | Limay National High School Limay, Bataan