“Saranggola”

  Kleng, kleng, tunog ng kampanilya ng sorbetero, takbuhan ang mga bata, sabik sa saya at lamig sa pagkain ng sorbetes. Kapag umihip naman ang hangin, saranggola naman ang malaya nilang pinapalipad sa papawirin. Maraming nangangarap na mapatayog ang lipad ng kani-kanilang saranggola, isang malaking tagumpay sa panig ng nagpapalipad kapag ito ay kanyang nagawa.…


 

Kleng, kleng, tunog ng kampanilya ng sorbetero, takbuhan ang mga bata, sabik sa saya at lamig sa pagkain ng sorbetes. Kapag umihip naman ang hangin, saranggola naman ang malaya nilang pinapalipad sa papawirin.

Maraming nangangarap na mapatayog ang lipad ng kani-kanilang saranggola, isang malaking tagumpay sa panig ng nagpapalipad kapag ito ay kanyang nagawa. Dahil sa pangarap na ito nabuo ang awiting “Saranggola ni Pepe”.

Noong panahon ng aking kabataan, tuwang-tuwa akong pakinggan ang awitin sa pag-aakalang ito ay awiting pambata. Ngunit sa paglipas ng panahon, ito pala ay awiting naglalaman ng paghahangad ng isang “paglaya”.

Maraming paglaya ang nais nating makamit: paglaya sa sarili, paglaya sa problema, paglaya sa kahirapan, paglaya sa pag-ibig, paglaya sa mga sakit ng lipunan at marami pang pagnanais na di naman alam kung kailan makakamit.

Ang bawat isa sa atin ay bumubuo ng mga pangarap, sinisikap gawin ito sa tamang paraan at lumaban ng patas ngunit may natural na pag-uugaling makasarili ang tao na sa tuwina’y ayaw patalo sa labanan kahit hilahin pababa ang iba makuha lamang ang nais.

Minsan, magtataka sa buhay ng isang ibon, lumilipad ng malaya ng hindi pinoproblema ang kinabukasan. Ito daw ang dapat nating tularan, hindi daw natin dapat problemahin ang bukas dahil tayo ay binibiyayaan ng Diyos ng sapat lamang upang gugulin natin sa isang araw kaya hindi daw tayo dapat maghangad ng higit pa sa lahat pa sa hindi ipinagkakaloob ng Diyos.

Ngunit likas naman talaga sa tao ang palaging mapaghangad, na nagiging dahilan ng paghihirap ng marami. At sa kasalukuyan ang sanlibutan ay buhay na saksi sa iba’t ibang uri ng karahasan at kaguluhan bunga ng paghahangad ng tao.

Ngunit sinabi din ni Hesus na mapalad ang mga pinag-uusig dala ng katarungan sapagkat nasa kanila ang kahinaan ng Diyos. Malinaw ding sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad “Huwag ninyong isiping naparito ako upang magdala ng kapayapaan (Mt.10:34). Nais lamang ipakahulugan dito na maaaring sapitin ng tao na nagnanais sumunod sa kanyang mga yapak. Ang sinumang nais sumunod sa kanya ay dapat maging handang usigin ng iba tulad ng ginawang pag-uusig kay Kristo.

Tunay na nakapagtatakang isipin kung bakit may pagkakataon na kung sino pa yaong gumagawa ng kabutihan ang siya pang pinagtatawanan, wari bang ipinakikitang mali ang paggawa ng tama. Sa isang simpleng sitwasyon sa paaralan: Ang isang mag-aaral na sadyang matulungin sa guro ay madalas na nagiging sentro ng katuwaan at pagtatawa ng marami.

Sinasabing ang tunay na lingkod ng Diyos ang palaging nalalagay sa pagkakataon na kung saan sila ang inuusig, pinagtatawanan, iniinsulto ng karamihan sapagkat pinipili nila ang mga gawaing lubos na kalugod lugod sa Diyos. Sila ang pinag-uusig at nagdurusa dahil sa paninindigan nila sa katotohanan at katarungan. Silang nakikibahagi sa paghihirap ni Hesus at bahagi din ng kanyang kaluwalhatian. Sila lamang ang makaririnig ng mga katagang binitawan ni Hesus habang siya ay nakabayubay sa krus. “Sinasabi ko sa iyo, ngayon din isasaman kita sa paraiso” (Lk. 23:43).

Minsan ay tinatanong natin sa ating mga sarili kung hanggang saan ba ito?. At sa kawalan ng pag-asa ito ay nagdudulot ng paggawa ng kasamaan. Kaya ang iba ay sinusunod ang paniniwalang “kung ano ang ginawa sa iyo, ibabalik mo rin sa gumawa nito” sa halip na sundin ang gintong aral na:“Kapag binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay”.

Kadalasan, mahirap makamit ang katotohanan sa mata ng tao, ngunit ang kapayapaang hatid ito sa puso ng marami ay hindi matatawaran. Mas masarap matulog na mahimbing sa gabi ng walang alalahanin at mga bagaheng nagpapahirap sa atin sa araw-araw, nakatingin ka ng diretsyo sa kapwa mo dahil sa wala kang tinatapakan at wala kang dinaya. Taas noo kang makakalakad sa harapan ng marami dahil sa katotohanan ka nabuhay at maligaya ka sa pagtanggap ng hatol ng Diyos dahil nabuhay ka sa kabutihan at katotohanan, ito ang tunay na “paglaya”.

Marami tulad ng saranggola ni Pepe, pangarap nating paliparin ang saranggola natin ng pagkataas-taas upang “malakaya”, ngunit gamitin sana nating sakati ang salita ng Diyos upang maging gabay ito ng ating saranggola sa paglipad ng tama.

 

By: Flordeliza B. Castor | Teacher III | BNHS | Balanga, Bataan