Sa isang munting barangay sa Mariveles ay may nakatirang mag- asawa. Sila ay sina Aling Gracia at Mang Boy. Mayroon silang isang anak na lalaki na ang pangalan ay Constantin, ngunit mas kilala siya sa palayaw na Antin. Si Antin ay isang batang mahilig sa laro at panonood ng telebisyon, na kung minsan ay mas pinipili pa niya ang lumiban sa eskwelahan para lamang makapaglaro buong maghapon. Sabihin mo sa kanya ang lahat ng laro at tiyak ay alam na alam niya ang mga ito. Bukod sa sobrang pagkahilig sa paglalaro ay may isa pang problema si Aling Gracia kay Antin, iyon ay ang katamaran niya sa pagsesepilyo, paliligo at pagpapalit ng damit.
Isang hapon pagkagaling sa matagalang paglalaro, umuwi ng bahay si Antin. Natanaw ito ni Aling Gracia, ngunit malayo pa lang ay naaamoy na niya ang naluom na pawis at dumi na nakakakapit kay Antin. “Ano ba naman ‘yan anak, saan ka naman ba nagsusuot? “Hindi mo ba napapansin ang mga dumi sa damit mo? At hindi mo rin ba naaamoy ang sarili mo?” pagalit na sabi ng nanay ni Antin. “Eh bakit ba Nanay, ang sarap maglaro eh! Tignan mo nga po, nanalo pa ako sa pustahan namin ng text ng mga kalaro ko”. Nakangiti pang sinabi ni Antin sa kanyang ina.
“Inay, nagugutom na po kasi ako, may pagkain na po ba?” Pagkabigay ng pagkain ng kanyang nanay ay hindi man lang nagawa ni Antin ang maghugas ng kamay, maligo o kaya ay magpalit ng damit. Hindi niya batid ang mga dumi na nakakapit pa sa kanyang mga kamay, gayundin ang mga bakas ng lupa at alikabok sa kanyang braso at damit. “Ano ba namang klaseng bata ka! Hindi ka ba narurumihan sa sarili mo? Di mo rin ba naaamoy ang sarili mo? Ang bantot- bantot mo na!
Kinabukasan, araw ng Sabado ay hindi pa rin nagbihis si Antin ng kanyang damit. ‘Di pa rin niya sinimulan ang paliligo, bagkus ay lumabas agad siya ng bahay ng hindi man lang nagsesepilyo at hindi man lang naligo at nagpalit ng damit. Agad niyang nakita ang kumpol ng kanyang mga kaibigan sa palaruan at lumapit siya sa mga ito. “Uy sali naman ako sa laro niyo ng pogs!” ang sabi niya sa mga kalaro. “Antin, ikaw ba ang naamoy namin? Ang baho mo naman, pati hininga mo mabaho rin!” sabi ng isang bata. “Oo nga, tapos mukhang ‘di ka pa naliligo! Ano ba yan!” saad ng isang bata. “Dapat yata Antin Bantutin na ang itawag namin sa’yo!” ang sabi ng isa pang bata. “Hahahaha! Antin Bantutin, Antin Bantutin!” ang pang-aasar at pagtawa ng mga bata. Sa inis ay umalis na lang si Antin.
Samantala, napadaan siya sa Court ng Makita niyang nagba- basketball ang ilan sa kanyang mga kasama sa liga noong nakaraang buwan. Agad siyang lumapit sa mga ito. “Uy sali naman ako sa inyo!” Ngunit malayo pa lang ay naaamoy na ang maasim at mabantot na amoy ni Antin, dulot ng dumi sa katawan at ‘di pagligo. “Hindi pwede, ang baho- baho mo! ‘Di mo ba naaamoy ang sarili mo? Umalis ka na nga dito, Antin Bantutin!” sabi ng isang bata. Sa sobrang pagkainis at pagkaawa sa sarili ay tumakbo papalayo si Antin habang umiiyak. Awang- awa siya sa kanyang sarili, dahil nararamdaman niyang nilalayuan na siya ng kanyang mga kaibigan. Sa labis na kalungkutan at pag- iyak ay nakatulog si Antin sa kanilang salas. Sa kalagitnaan ng kanyang pagtulog ay napanaginipan niya ang isang ‘di inaasahang pangyayari. Nasa isang maliwanag na lugar siya na kung saan ay nakikita niya ang isang malaking sepilyo at toothpaste ang magkasama at tinatawanan siya. “Ang batang tamad magsepilyo!” Sabay tawa ng mga naturang nilalang. Sa kanyang paglalakad ay nasalubong naman niya ang isang malaking sabon at isang malaking bote ng shampoo na tumatakbo sa kanyang paligid. “Maligo ka na kasi, maligo ka na!” at tulad din ng mga nauna ay pinagtatawanan siya. Sa kanyang paglalakad ay narating niya ang isang malaking silid na kung saan ay nakita niya ang isang magandang babae na nakaputi at nagniningning sa sobrang kalininisan. “Kumusta ka Antin? Ako si Reyna Linisa, ang Diyosa ng kalinisan.” Sambit ng magandang diwata. “Bakit ako naririto, ano pong gagawin niyo sa akin?” panginig na saad ni Antin. “Dinala kita dito upang harapin ang katotohanan, na ikaw ay isang batang walang pag- iingat at kalinisan sa iyong sarili. Hindi mo naiisip na ikaw ay maaaring magkasakit sa iyong ginagawa. At dahil gusto mong manatiling madumi at mabantot, heto, harapin mo ang mga magiging kaibigan mo!” pagalit na saad ng reyna. Agad ay dumating sa kanyang harapan ang mga higanteng dumi, libag at mga bulate na mabilis na lumalapit sa kanya. Sa takot ay tumakbo ng mabilis si Antin. “Huwag po, tama na po! Ayoko na! Pangako magiging malinis na po ako at maliligo na araw- araw! Aaahh!!”
Agad- agad ay nagising si Antin. “Hay, panaginip lang pala!” Matapos ang nakakatakot niyang panaginip ay di na nagsayang pa ng pagkakataon si Antin. Nagtungo na siya sa banyo upang maligo. Hinanap niya rin ang kanyang sepilyo at toothpaste na nasa lababo. Kuskos dito, buhos doon. Hilod dito, banlaw doon. Sabon dito, linis doon. Hanggang sa matapos si Antin sa kanyang paliligo. Naglagay na rin siya ng lotion, pulbos at pabango sa katawan. Pagdating ng kanyang ina galing sa talipapa ay agad niyang naamoy ang amoy ng isang tila bagong paligo na bata. “Aba himala! Naligo na ang unico hijo ko!” Saad ng kanyang ina. Ikinuwento ni Antin sa ina ang kanyang panaginip. Agad naman siyang niyakap ng kanyang ina at sinabing dapat pamalagiing malinis, presko at maayos ang pangangatawan. Simula noon, nagging malinis na sa katawan si Antin. Hindi na siya si Antin Bantutin, bagkus siya ay si Antin “Always Clean” na. JJ
By: Rodolfo N. Ariola, Jr.