STUDENT NANAY

      Hindi madali ang buhay ng isang Student Nanay o Ina na Mag-aaral. Kinakailangan nilang balansehin ang kanilang oras sa pagitan ng pagdalo sa klase, pagsusumite ng mga kailangan sa paaralan, pag-aalaga ng kanilang anak, at pag-aasikaso sa kanilang tahanan. Sila ang nagiging pangunahing tagapag-alaga ng kanilang anak at inaasahang magpapalaki sa mga…


      Hindi madali ang buhay ng isang Student Nanay o Ina na Mag-aaral. Kinakailangan nilang balansehin ang kanilang oras sa pagitan ng pagdalo sa klase, pagsusumite ng mga kailangan sa paaralan, pag-aalaga ng kanilang anak, at pag-aasikaso sa kanilang tahanan. Sila ang nagiging pangunahing tagapag-alaga ng kanilang anak at inaasahang magpapalaki sa mga itong maayos. Ang lahat ng mga ito ay kanilang kinakaya upang ipagpatuloy ang kanilang pangarap upang makatapos ng kanilang pag-aaral. Hindi ito nagsisilbing balakid para sa kanilang pangarap na matupad.

      Ang lahat ng mga ito ay akin mismong mga naranasan. Sa kagustuhang makatapos ng aking pag-aaral kahit ako ay isa ng nanay. Ang makatulog ng hating gabi, sa kadahilanang kailangan na matapos lahat ng gawaing bahay at gawaing pang paaralan, ang gumising ng madaling araw para ayusin lahat ng pangangailangan sa bahay bago pumasok sa paaralan. Ngunit ang lahat ng ito ay hindi alintana upang makatapos ng pag-aaral at makamit ang pangarap na inaasam.

      Walang hindi kakayanin para sa pamilya at mga mithiin na nais marating. Lahat ng pagsubok ay kakayanin para sa ating anak na palalakihin at pakakainin. Kasehodang isama ang anak sa paaralan huwag lamang lumiban sa klase. Kasabay na papasok sa paaralan ng nanay habang siya ay naglalaro lamang pagkat siya’y tatlong taong gulang pa lamang at walang mapag-iiwanan sa bahay. Ang lahat ng iyan ay aking naranasan para makatapos ng aking pag-aaral para sa magandang kinabukasan na aking pinaglalaban.

     Hindi natin dapat isantabi ang ating pangarap at mga ambisyon sa buhay dahil tayo ay isa ng nanay. Napakahaba man ng paglalakbay, sa huli ay sulit naman. Napakaraming natutunan. Napalakas ang ating karakter at pananampalataya. Nahubog ang ating pagkatao. Namulat ang ating isipan. Nabago ang ating pananaw. Na ang tagumpay pala ng isang tao ay hindi nasusukat sa diplomang papel, o sa ano mang seremonya ng pagtatapos.Ang tagumpay pala ay makikita sa araw-araw na paglaban sa mga hamon ng buhay. Ang makatulong sa iba, makapagbigay inspirasyon sa iba, maiangat ang iba, magbigay direksyon sa iba, makapaglingkod sa iba, iyon pala ang tunay na tagumpay.

     Alam ko na marami pa akong hamon sa buhay na kakaharapin. Buong tapang itong haharapin at pagtatagumpayan kasama ang aking pamilya at mga mahal sa buhay, at higit sa lahat sa tulong at gabay ng Poong Maykapal na walang sawang gumagabay at nagmamahal kahit na isa akong makasalanan.

By: Mrs. Arlene Q. Agustin | Teacher I – Social Studies | BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL – SHS | Balanga City, Bataan