Sa hindi inaasahang pagkakataon, sa isang kisap mata ay nagbago ang lahat ng ating pinaniniwalaan. Lahat ng ating kasanayan ay nagbago, nalimitahan din ang kalayaang ating tinatamasa.
Sa mga oras na ito, isang sector ng pamahaalan ang lubos ring apektado: Ang Sektor ng Edukasyon.
Sa pagkakataong ito, hindi rin mapakali si Ma’am… Si Super Ma’am. Ang dami – dami niyang nauulinigan – hinagpis ng nanay na hindi alam kung paano ipagpapatuloy ang pag-aaral ng kanyang anak sa gitna ng pandemyang nararanasan, pag-iyak ng mga estudyanteng nangangailangan ng tulong, mga kalam ng isipang walang kasiguraduhan kung malalamnan pa…
Nag-aalala si Super Ma’am. Paano ng aba niya maiibsan ang lahat ng nauulinigan. Kakayanin pa ng aba ng powers ni Super Ma’am?
Oo, siyempre. Kasama sa buhay ni Super Ma’am bilang maabilidad na guro ang mag-adapt sa pagbabagong dumarating. Tungkulin at responsibilidad ni Super Ma’am ang tumulong at siguraduhin na ang lahat ng nangangailangan ay kanyang matutulungan.
Inihanda ni Super Ma’am ang kanyang sarili. Bagong Pandemya, bagong kalaban, ngunit mananatili si Super Ma’am sa kanyang katungkulan.
Dala ang kanyang pinakamalakas na sandata: ang makapangyarihang laptop na minana niya mula sa kanyang mga ninuno mula sa Lireo, ang ginintuang panulat na gawa pa sa pinakamatitibay na batong makukuha sa pinakamalalim na parte ng kuweba na pinaglagakan kay Bernardo Carpio at ang walang katulad na karunungang handang ibahagi ni Super Ma’am sa lahat – humayo siya upang harapin ang mga pagsubok ng bagong normal.
Sisiguruhin ni Super Ma’am na ito ay kanyang pagtatagumpayan dahil ang tagumpay ng laban ni Super Ma’am ay ang tagumpay rin ng lahat.
By: Ms. Ghecela Marie Chris Garcia | Teacher I | Bataan National High School | Balang City, Bataan