Sa bawat kabataang meron tayo ngayon, sa klase ng mundong ginagalawan nila sa ating panahon, may magandang bukas nga bang nakalaan para sa ating lahat kung ang susunod na magsisilbing pinuno ng ating bansa sa mga taong magdaraan ay tila binabago na ng makabagong teknolohiya, paniniwala at sitwasyon?
Hindi lingid sa ating kaalaman na kaakibat ng mabilis na takbo ng panahon at oras ay ang unti-unti naring pagbabago at pagkawala ng mga kinagisnan nating kaugalian at paniniwala. “Kabataan ang PAG-ASA ng bayan”, ngunit paano kung ang “pag-asang” tinuturing ay unti-unting binabago ng makabagong panahon?
Tunay ngang napakalayo na ng mga “kabataan” NOON kumpara sa mga “kabataan” NGAYON, ngunit sila lang ba ang NAGBAGO? Dala marahil ng ptuloy na pagbagsak ng ekonomiya na nagreresulta ng paglaganap ng kahirapan sa ating bansa, gayundin sa buong mundo. Resulta… ang dating Ama na tangi lamang nagtataguyod sa pamilya ay kinailangan ng tulungan ni Inay na dati rati’y nasa bahay at nagaasikaso ng kanilang mga anak. Sa kagustuhan marahil ng kahit sinong magulang na mabigyan ng magandang buhay ang kanilang mga anak, ang makakain sa oras at mapunan ang kanilang iba pang mga pangangailangan ay naisasakripisyo ang patuunan ng pansin at kalinga ang kanilang mga anak, ang kabataan. Dahil dito, kadalasang naisasantabi ang panahong magkaroon ng bonding o panahon kung saan magkakaroon ng pagkakataong makapag kamustahan ang pamilya, panahon kung saan maipapakita at mailalahad ng bawat isa ang kasalukuyang pagbabagong nangyayari sa kanilang pagkatao, oo nga’t na riyan ang skype, facebook, at iba pang makabagong paraan para magkaroon ng komunikasyon ang pamilya, ngunit iba pa rin ang hatak at epekto ng personal na pag-uusap kung saan maipapakita ang sapat at ganap na pagkalinga paraan upang maipadama ang pagmamahal sa isa’t isa.
Dahil sa kadahilanang ito, naghahanap ang mga kabataan ng mga taong makakaunawa at makapagbibigay atensyon sa kanila. Na siya namang nahahanap nila kadalasan sa maling taong masasandalan. Isa na rito ang masamang barkada, pagkaaliw sa makabagong teknolohiya, ang pagkakaroon ng maaagang ralasyon sa kasintahan na kadalasang nauuwi sa maagang pagigig magulang at maagang pagaasawa o pagpapamilya at ang pinaka malala ay ang pagkalulong sa droga.
Paano na ang Kabataan? Paano na ang Kinabukasan? Paano masosolusyunan ang ganitong pangyayari? Sapat na panahon para sa pamilya? Kalida na oras para sa isa’t isa?. SUPORTA, hindi lamang pinansyal kundi suporta na nagpapatibay ng loob at pagkatao ng isang kabataan.
Paglinang ng mga Kabataan sa pamamagitan ng maimpluensayang mga sangay ng gobyerno, komunidad na marapat na umpisahan sa kani-kaniyang mga tahanan. Ito ay hindi lamang ukol sa kapaligiran na nagkakalinga sa isang kabataan, sa ating mga sarili, dapat nating alamin at tahakin kung ano ang mas makabubuti sa atin. Dapat nating isa isip na nasa ating mga kamay ang huling desisyon kung saang daan ang tatahakin natin. Laging nasa tao ang huling desisyon para sa kanyang sarili; anuman ang sabihin ng iba, tayo pa rin ang magdedesisyon sa kahihinatnan ng ating buhay, kaakibat ang payo at paalala ng mga taong tunay at lubos na nagmamalasakit sa atin, an gating pamilya at ang Maykapal na siyang gagabay sa atin.
Para sa magandang bukas, umpisahan natin ngayon ang pagsuporta at pag gabay sa mga Kabataan. Huwag natin silang husgahan o batikusin kung maling daan man ang kanilang tinatahak o natahak, bagkus ay maging instrumento tayo upang matahak nila ang btamang daan tungo sa kanikanilang ikatatagumpay, tungo sa kanilang mga pangarap. Tagumpay at pangarap na hindi lamang sila ang magtatmasa kundi na rin ang bayan nating patuloy lumalaban sa kahirapang kinasasadlakan, magtulungan tayo. Umpisahan natin sa ating mga sarili, sa ating mga tahanan, magsilbi tayong mabuting halimbawa, isang mabuting kaibigan at isang taong masasandalan sa oras ng kagipitan. Tandaan, “Ang KABATAAN ang kinabukasan ng BAYAN”
By: ROBERTO G. DAVID | Teacher III | Limay National High School | Limay, Bataan