“Ito na nga…” Ayan na naman siya, lalapit na wari’y kaibigan ka. Dadaanin ka sa mahiwagang kuwento niya. Mag-iingat ka, kapag napasailalim ka sa mga orasyon at himas niya, siguradong lulong ka at mauuto ka niya. Mabait ka pero gumising ka, hindi dahil nakangiti siya’y kaututang dila mo na siya. Maghintay ka, kinabukasan may malalaman ka, isang pasabog na surpresa, hala nasira ka. Hindi ba sabi ko’t mag-ingat ka. May kapangyarihan sila, kaya nilang bumuo ng pantasya na siguradong benta sa mga katoto niya.
Mapapaisip ka bakit ganiyan siya, huhulihin, paaamuhin ka at kapag nakasipit ka na sa mga kamay niya siguradong katapusan mo na. Bubulusok ka pababa, lalagapak sa lupa kasabay ng umaalingawngaw na halakhak niya. Pero hindi pa siya tapos, hindi siya titigil hanggat hindi ka ubos. Bakit? Ano ba ang nagawa mo? Pinalago mo lang ang pagkatao mo, nagsikap, nakilala at natuto. Bakit parang kasalanan mo? Gulong-gulong, hilong-hilo sa paligid mo, mga ngiti’y mistulang mga aso. Ang pinaghirapan mo, ang pangalan mo, nadumihan dahil sa hindi mo matukoy kung ano.
Ayan, ayan na naman siya, hindi na muling makikipag-kamay, hindi na muling kakaway. Ang tingin nila sa’yo isang kaaway dahil wala siya nang mayroon ka sa buhay. Hindi ka niya malampasan o kahit na mapantayan kaya’t ang taktika niya ay dalhin ka sa laylayan. Mapapatanong ka na lang kalian pa? Kailan pa nagkaroon ng talangka sa lupa.