TAMA NA ANG ISANG KIAN!

Dapat pa bang ipagpatuloy ang programa ng pamahalaang Duterte laban sa iligal na droga kahit nadadamay na ang mga inosente lalo na ang mga kabataan?             Noong Agosto 16, 2017 ay may isang nakakabagabag na pangyayari na bumasag sa katahimikan ng lungsod ng Caloocan na nagdulot nang agam-agam tungkol sa Anti-Drug Campaign ng kasalukuyang gobyerno. …


Dapat pa bang ipagpatuloy ang programa ng pamahalaang Duterte laban sa iligal na droga kahit nadadamay na ang mga inosente lalo na ang mga kabataan?

            Noong Agosto 16, 2017 ay may isang nakakabagabag na pangyayari na bumasag sa katahimikan ng lungsod ng Caloocan na nagdulot nang agam-agam tungkol sa Anti-Drug Campaign ng kasalukuyang gobyerno.  Ayon sa pulisya, napatay si Kian Loyd Delos Santos, isang 17-taong gulang na lalaki na sinansabing “pusher” daw dahil nanlaban ito habang hinuhuli nina C/Insp. Amor Cerillo at PO3 Arnel Oares. Natagpuan kasama ng bangkay nito ang isang .45 kalibre ng baril at ilang pakete ng shabu.

            Wala sanang problema kung ito ang tunay na nangyari dahil iba ang lumalabas na tunay na nangyayari pagkatapos ng inisyal na imbestigasyon at mga salaysay ng mga saksi.  Ayon sa Medico Legal, imposibleng manlaban ang biktima dahil siya ay nakaposas base sa mga pasa na nakita sa mga kamay nito. Pangalawa, natagpuan ang baril sa kanyang kaliwang kamay kahit siya ay right-handed.  Pangatlo, may mga nakarinig na nagmamakaawa siya na huwag siyang hulihin dahil hindi siya pusher o runner at magrereview pa siya para sa test niya kinabukasan.  At ayon din sa kanyang ama, paano niiya maitatago ang baril kung naka-short lang siya.  Dapat sana napansin nila ito bago ito lumabas para puntahan ang kapitbahay.

            Nakakalungkot isipin na may mga ganitong pangyayari na nagdudulot na hindi magandang epekto sa lahat.  Nawala ang isang mabuting mag-aaral at anak na dapat sana ay makakapagtapos na ng Senior High School sa susunod na school year at nagbabantay din ng kanilang tindahan mula 5 ng umaga hanggang 12 ng tanghali bago pumasok ng paaralan.  Nasira ang imahe ng pamahalaan dahil kahit maganda ang intensyon nito sa pagsupil ng droga ay ginagamit ito ng mga “bulok” na pulis sa kanilang mga masasamang balak. Nagtanim ng galit at poot sa mga puso ng mamamayan dahil imbes na sila ang pino-protektahan ay sila pa ang mga nagiging pangunahing biktima.

            Dapat ipakita ni Pangulong Duterte na wala siyang kinikilingan kahit sarili niyang mga alagad.  Kahit sila ay nasa ilalim ng mandato ng batas, dapat pa rin silang parusahan lalo na kung sila ay napatunayang nagkasala. Dapat na maintindihan niya na ang pagpapabaya nito ay ang simula ng unti-unting pagkasira ng tiwala sa kanya ng mamamayang nagluklok sa kanyang posisyon.  Dapat pag-aralan niyang mabuti ang probisyon ng kanyang programa laban sa droga upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.

            Ilang KIAN pa ba ang dapat mapahamak bago magising sa katotohanan?

By: Mr.Leandro Malibiran | Teacher II | Bataan National High School | Balanga City, Bataan