TANGGOL WIKA: PAGTANGGAL NG FILIPINO SA KOLEHIYO, MATUTUGUNAN KAYA NG MGA GURO SA DEPED?

Noong 2018, kinatigan na ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas ang tuluyang pag-aalis ng asignaturang Filipino, kasama na ang panitikan sa kolehiyo sa buong bansa alinsunod ng pagbabago sa kurikulum sa hayskul bunsod ng pagbubukas ng Senior High School sa buong bansa noong 2017. Buwan ng Oktubre noong 2018 nang ilabas ang desisyon ng Korte Suprema…


Noong 2018, kinatigan na ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas ang tuluyang pag-aalis ng asignaturang Filipino, kasama na ang panitikan sa kolehiyo sa buong bansa alinsunod ng pagbabago sa kurikulum sa hayskul bunsod ng pagbubukas ng Senior High School sa buong bansa noong 2017. Buwan ng Oktubre noong 2018 nang ilabas ang desisyon ng Korte Suprema na kung saan ay ibinasura ang apela ng Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o “Tanggol Wika” dahil sa kakulangan diumano ng mga “substantial argument”.

Matatandaang napunta na sa Senior High School ang mga asignaturang Filipino at Panitikan na tradisyunal nang nakukuha sa mga Pamantasan sa bansa noon. Ito, ayon sa Commission on Higher Education o CHED ay mabuti sapagkat masisigurado na ang paglalaan ng mas maraming oras sa iba pang larangan na may kinalaman sa espesyalisasyon na kinukuha ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Sa kabilang banda, humingi ng “motion for reconsideration”ang Tanggol Wika sa CHED at sa Korte Suprema.

Makabubuti nga ba ito sa pagpapaunlad ng Wikang Filipino at Panitikan sa bansa ngayong ito ay nilipat na sa pangangalaga ng mga guro sa sekundaryang paaralan? Sa isinagawang panayam ng Rappler sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Sentro ng Wikang Filipino director Rommel Rodriguez, binigyan diin niya na hindi magiging pareho ang asignaturang kinuha ng mga estudyante sa elementarya at hayskul bagkus ito’y mapapalalim at mabibigyang diin ang iba’t ibang konsepto pagdating sa kolehiyo. “Ang malalang krisis pang-ekonomiya na kinakaharap ng bansa ay kinokomunika gamit ang ating wika. Ang panawagan ng mga drayber at manininda sa unibersidad ay naririnig natin sa ating wika. Ang wika ng mga ordinaryong mamamayan ang wikang dapat inaaral at dinadalubhasa,” ani UP Department of Filipino Chairman Vlademeir Gonzales.

Sa aking palagay, malaking hamon talaga ang kakaharapin ng mga guro sa sekundarya sa pagtuturo ng mga asignaturang dati nang hawak ng mga eksperto sa wika sa kolehiyo. Tunay ngang di matatawaran ang kakayahan at kwalipikasyon ng mga propesor sa wikang Filipino at Panitikan sa mga Pamantasan sa bansa. Kumbaga ay sila ang masasabing mga beterano at eksperto sa naturang larangan. Halos lahat ng mga lathala sa pananaliksik sa Wikang Filipino ay akda ng mga guro sa tersyarya. Sila ang may tunay na kakayahan upang hawakan ang mga asignatura sa Senior High School, lalo pa at nangangapa pa rin ang Kagawaran ng Edukasyon sa kurikulum ng SHS sa wikang Filipino. Ngunit sa aking palagay ay maaari itong masolusyunan sa pamamagitan ng masusi at mabusising pakikipag-isa sa mga guro sa kolehiyo lalo na sa aspeto ng pagsasanay sa pagtuturo at pananaliksik. Ito ay isang malaking hamon sapagkat handa na ang mga kolehiyo noon pa man sa pagtuturo ng mga natanggal na asignatura at maaaring ito ay magkaroon ng malaking epekto sa kalidad ng intelektwalisyon ng Filipino sa bansa. Kaya naman, ang mga guro sa sekundarya ay hinahamon ngayon na masusing paunlarin at hasain ang kaalaman sa akademikong Filipino at ma-iskolar na pananaliksik upang mabigyang hustisya ang patuloy na pagpapaunlad ng wikang Filipino sa lebel ng sekundarya.

Sa hayskul man o kolehiyo, mananatiling isa ang ipagtatanggol natin: ang pagpapaunlad at pagpapayabong ng wikang Filipino mula hayskul man hanggang sa kolehiyo o maging hanggang sa mga susunod pang henerasyon!

Mga Sanggunian:

Bangcuyo, N.  (28 Mayo, 2019). Pagtanggal ng Korte Suprema sa Panitikan at Filipino sa kolehiyo pinal na. Nabuksan noong Pebrero 1, 2020 sa https://thebenildean.org/2019/05/pagtanggal-ng-korte-suprema-sa-panitikan-at-filipino-sa-kolehiyo-pinal-na/

Relativo, J. (27, Mayo 2019). Pagtatanggal sa Filipino, Panitikan bilang rekisitos sa kolehiyo tinutulan. Nabuksan noong Pebrero 1, 2020 sa https://www.philstar.com/pilipino-star-ngayon/bansa/2019/05/27/1921329/pagtatanggal-sa-filipino-panitikan-bilang-rekisitos-sa-kolehiyo-tinutulan

By: Ms. Ava Greta Oria