Ang mundo ay mabilisang umiikot, kasabay nito ang tuloy-tuloy na paglipas ng panahon at ang pag-unlad ng bawat bagay upang makaagapay sa pang-araw-araw na pamumuhay ng bawat isa. Ang pag-unlad ng teknolohiya ay hindi kailanman mapipigilan pa. Ang dating malalaking telepono ngayo’y tila lumiliit na at mas maraming magagawa pa. Ang makakapal na kompyuter at laptop ay numinipis na at mas napapakinabangan pa. Tila nga ang tao ay maalam at nakabubuo ng mga bagay na mas mapapakinabangan ng nakararami. Ngunit Kasangga nga ba ang teknolohiya sa buhay ng bawat isa o ito ba’y nagtatagong katunggali sa buhay at kalusugan ng nakararami?
Dati, sa daming gawain ng isang indibidwal hindi lahat ay kayang magawa sa isang upuan lamang. Ngunit sa tulong ng teknolohiya mas napabibilis nito ang lahat ng gawain. Teknolohiya ang dahilan sa mabilisang pagpapalaganap ng mensahe, na dati’y pahirapan pa. Sa mga guro, malaki ang naging kontribusyon ng teknolohiya lalo na mula nang lumaganap ang pandemya. Ang pagbuo ng iba’t ibang masisining na presentasyon, video, pagsasagawa ng talakayan, pagbabahagi ng mga gawain, pagbuo ng kagamitang pampagkatuto ay naging madali para sa lahat ng guro. Maging ang pagkalkula ng marka ay tila isang mabilis na gawain na lamang. Mas lalo namang nalinang ang kakayahan at abilidad ng mga guro sa pamamagitan ng pagdalo sa napakaraming pagsasanay o webinar na sa pamamagitan ng teknolohiya. Sa pagpapalaganap ng adbokasiya, teknolohiya rin ang makatutulong upang mas mapabilis ito sa pamamagitan ng mga program na maaaring buoin gamit ang iba’t ibang social media platform tulad ng facebook, twitter, Kumu at marami pang iba. Tila nga lahat na ata ng mga bagay-bagay madali man o mahirap ay kaya nang gawain ng teknolohiya. Dahil dito, naging kasangga na nga lahat, bata man o matanda ang paggamit dito.
Sa kabilang banda, marami rin naman ang hindi sumasang-ayon na ang teknolohiya ang kasangga sa bawat isa. Sa sobrang paggamit nito, naaapektuhan ang kalusugan ng tao tulad na lamang ang matagal na pagkababad sa harap ng screen na nagiging dahilan upang lumabo ang mga mata. Nagiging daan din ang teknolohiya sa maling pagbabahagi ng impormasyon o mas kilala sa tawag na fake news. Ang pataas na pataas ng kaso sa Human Trafficking ay dulot na rin ng paggamit sa mga ito, dahil dito mas naitatago ng mga kawatan ang maling gawain na magpapahamak sa mga kabataan. Ang palitan ng mga ipinagbabawal na gamot ay isinasagawa na rin gamit ang teknolohiya, at nasasangkot ang mga walang muwang na bata sa mga ganitong gawain. Kung iisipin tila nga na ang teknolohiya ay katunggali at hamon sa buhay ng bawat isa.
Malaki man ang nagiging kontirbusyon ng teknolohiya sa pang-araw-araw na buhay ng tao, dapat tandaan na maging responsable sa paggamit nito, dahil sa huli ikaw pa rin ang gagawa ng sarili mong kahihinatnat. Ikaw, ano ba para sa iyo ang teknolohiya? Kasangga nga ba o Katunggali?
By: Kim Howell M. Gutierrez | Teache I | Olongapo City National Highschool | OLongapo City