Pagpapaganda o paninira?
‘Yan ang tanong ng marami sa pagsisimula ng proyektong ‘pagpapaganda’ sa Manila Bay. Ang proyektong ito ay tinawag na “Rehabilitasyon ng Manila Bay” at sinimulan na itong buksan nang may artipisyal na buhangin nito lamang ika-19 ng Setyembre makaraan ang halos isang taong paggagawa.
Kung dati, kilala ang 19 kilometrong baybayin ng Maynila bilang isang madumi at lugar na mistula nang tambakan ng basura ng mga iskwater. Ngunit ngayon, sa administrasyon ng pangulong Duterte, ay nilinis ito at ‘pinaganda’ sa pamamagitan ng paglalagay ng artipisyal na white sand. Bagama’t mabuti ang layuning mapaunlad ang turismo ng lugar, ang pagsasagawa nito ay nag-ani pa rin ng napakaraming tanong mula sa mamamayan.
Una na rito ay ang tungkol sa materyal na ginamit bilang white sand. Ayon sa pahayag ng Department of Natural Resources (DENR) sa isang report ng Rappler, ang ginamit sa naturang proyekto ay crushed dolomite boulders na nanggaling pa sa isang bundok sa Cebu. Kung titignan ang mga larawan nito ngayon, tila namutla ang isang parte ng bundok na pinagkuhanan ng mga bato at nagmukha rin itong kalbo.
Ikalawa, ano nga ba ang epekto nito sa marine wildlife ng lugar? Sinagot ito ng DENR gamit ang kanilang ‘pagsusuri.’ Makikita sa isang larawan galing sa Philippine News ay isinagawa ang eksperimento sa isang maliit na aquarium na may mga isdang tinatawag na goldfish. Dito pa lamang ay kataka-taka na ito sapagkat hindi nito ipinakikita ang tunay na epekto sa wildlife ng Manila Bay. Ang dapat na ginamit na tubig at isda para sa pagsusuring ito ay galing rin sa naturang lugar upang magaya ang eksaktong estado ng tubig. Dahil dito, ang kanilang isinagawang eksperimento ay nagmumukhang biased o kumikiling sa kanila. Idagdag pa rito ang isang report ng Inquirer.net na may naitala nang kaso ng pagkamatay ng mga corals malapit sa lugar ng minahan sa Cebu kung saan kinukuha ang mga dolomite na bato.
Ikatlo, ayon sa Department of Health (DOH) at kay Undersecretary Maria Vergeire sa isang pahayag sa Rappler, mayroon ding hindi kaaya-ayang epekto ang artipisyal na buhangin sa mga tao. Kapag ito ay nalanghap o napasok sa sistema ng tao, maaari itong magdulot ng sakit sa tiyan at pagtatae. Isa pang pagpapatunay, ayon sa isang safety data report ng Lehigh Hanson Inc., isang dolomite distributor sa Texas, ang dolomite ay may mataas na lebel ng crystalline silica na maaaring magdulot ng pangangati sa balat at mata at kapag nalanghap ay maaari ding makasama sa baga. Pinatutunayan lamang ng mga ito na may banta sa kalusugan ang nasabing materyal sa mga isda at pati na rin sa mga tao.
Ikaapat, nito lamang hapon ng ika-23 ng Setyembre nang ibalita sa page ng ABS-CBN ang pagtangay ng alon sa mga artipisyal na buhanging nilagay rito. Bilang tugon at solusyon, hinarangan na lamang ito ng mga sandbags upang hindi anurin. Ngunit, lagi na lamang bang maglalagay nito upang solusyunan ang problema? Kung iisiping mabuti, dagdag pahirap pa ito sa mga taong magpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng lugar.
Ikalima, ang nasabing proyekto ay isinakatuparan sa panahon ng pandemic na may tumatagingting na pondong 389 milyong piso. Kung inilaan na lamang ito sa mga frontliners, mga estudyanteng walang pang-online class, at sa iba pang proyektong pantulong sa ating mga kababayan, sana’y napakinabangan pa ito. Pinahirapan at patuloy parin tayong pinahihirapan ng pandemic ngunit mas pinili pa ang pagpapaganda ng isang lugar upang makabawas raw sa “mental stress” ng mga Pilipino. Subalit, malinaw na hindi ito ang ating kailangan. Ang kailangan natin ay pagkain, facemasks, kagamitan sa pang-araw araw nating pamumuhay, at pati na rin ang mga panlaban sa virus.
Ang layuning pagpapaganda ng baybayin ng Maynila ay hindi naman maikakailang magandang tunguhin. Subalit, ang panahon, paraan, at iba pang sirkumstansya na nakapaloob sa isyung ito ay talaga namang nakababahala. Kailan pa ba tayo matututong unahin ang mga importanteng bagay? Lalagyan na lamang ba natin ng “buhangin” ang lahat ng problema?
By: Jesus F. Apostol | Teacher II |Bataan National High Schooh–SHS |Balanga City, Bataan