Ang mga titik sa pamagat ng artikulong ito ay kumakatawan sa malimit nating matungahayan at marinig habang tayo ay nanood sa mga paborito nating programa sa telebisyon. Ang ibig sabihin, nangagailangan ang mga batang manunood ng gabay at patnubay ng mga magulang.
Sa pagpapakahulugan, ang TLKSHD ay tumutukoy sa mga salitang tema, lengguwahe, karahasan, sekswal, horror o droga. Ang pagbibigay babala ay ukol sa patnubay na dapat na ibigay ng mga magulang sa mga kabataang manunood upang mabigyan ng proteksiyon ang kanilang murang kaisipan sa maseselang bahagi na nakapaloob sa mga palabas. Kahalintulad nito, maari rin nating iugnay ang patnubay ng magulang sa kanilang mga anak na nasa paaralan. Mahalaga ang pagbibigay-gabay ng magulang at mga tagapangalaga sa mga mag-aaral na wala pa sa wastong gulang. Ito ay pangunahing tungkulin ng mga magulang upang matiyak na nasa mabuting kalagayan ang mga bata sa panahong sila ay nasa paaralan.
Ang edukasyon na kumikilala sa kapakanan ng mga mag-aaral ay sandigan hindi lamang sa pagbubuo at pagtatayo ng iba’t- ibang simulain, pangarap, adhikain at layunin sa buhay. Maliban sa pagkatuto ng maraming kaalaman, ang edukasyon din ay tanging-yaman na pamana ng mga magulang sa kanilang mga anak. Isang bagay na maaring payabungin at patuloy na paunlarin sa pamamagitan ng masikap na pag-aaral sa pag-usad ng panahon. Ang edukasyon ay itinuturing na puhunan sa magandang bukas na hindi maaring agawin ninuman. Ang pag-aaral ay ihinahalintulad din sa pag-iimpok na magdudulot ng mabuting ani sa hinaharap.
Tulad ng naunang nabanggit , higit ang pagkilala sa pangangailangan na mabigyang patnubay at gabay ng mga magulang ang kanilang mga anak na nag-aaral. Isang bagay na hindi dapat isantabi sapagkat katuwang ng mga guro ang mga magulang sa paghubog sa isipan at ugali ng mga bata.
Ang prinsipyo ng in loco parentis ay isang pagtalima sa hanay ng mga guro sa kanilang tungkulin bilang magulang ng mga mag-aaral sa paaralan, Saklaw nito ang paggabay sa mga bata upang hubugin sila na maging mabuting mamamayan. Kasama na rin dito ang pagtuturo ng wastong ugali at maayos pakikipagkapwa-tao bilang paghahanda sa mga mag-aaral sa wastong pamumuhay sa pamayanan. Magkagayon man, mas matimbang na pananagutan ng magulang sa kanilang mga anak. Sa kanila pa rin nakasalalay ang malaking bahagi ng pangangalaga sa mga bata higit kanino pa man.
Ang puntong ito ay dapat na maging malinaw sa mga magulang maging ng mga tumatayong tagapangalaga ng mag-aaral.
Sa gitna ng maraming pagsubok sa kasalukuyang panahon, ang mas mataas na antas ng pagtingin sa pananagutan para sa mabuting kapakanan ng mga mag-aaral ay dapat bigyan ng pagpapahalaga. Ito ay salig sa katotohanan na ang responsibilidad ukol sa mga mag-aaral ay nakasalalay sa bukas na koordinasyon sa pagitan ng mga magulang at guro. Magagawa ito sa pagtutulungan ng magkabilang panig na walang bahid ng paninisi sa kung sino ang nagkakaroon ng pagkukulang. Ang pagkakaroon ng regular na konsultasyon at mahinahong talakayan sa mga isyung napapaloob ay daan upang mabigyan ng angkop na tugon ang anumang usapin.
Tunay na ang mabuting kapakanan ng bawa’t mag-aaral ay gampanin ng mga guro sa paaralan, samantalang ang patuloy na patnubay ng mga magulang sa kanilang mga mag-aaral ay hindi rin naman dapat na kaligtaan.
By: Ms. Geraldine A. Noval | Teacher II | Bataan National High School | Balanga City, Bataan