Kung ang lahat ay tatanungin hinggil sa epekto ng kasalukuyang pandemyang lumalaganap sa bansa, karamihan sa kanilang itutugon ay negatibong pananaw, di-malilimutang karanasan at isang masamang panaginip. Marahil ay nagtataka ang lahat na sa sobrang hirap ng buhay ay lalo pa itong nalugmok.
Sa larangan ng edukasyon, maraming paaralan ang nagsara na nagbunga ng hindi maganda para sa mga guro na nagbibigay serbisyo sa mga pribadong paaralan. Ang mga mag-aaral mula sa mga ito ay tila’y lumipat na sa mga pampublikong paaralan, dahil sa kawalan ng hanapbuhay ng kanilang magulang. Ang mga guro na dati’ nagbabagi ng kaalaman sa loob ng apat na sulok ng silid-aralan ay napalitan na ng makabagong pagtuturo dulot ng nagbabagong teknolohiya. Mula sa mabilisan pagbabago na nararanasan, ang iba ay nakaramdam ng takot sa pagharap sa bagong sistema, habang ang iba naman ay tila’y nagpakita ng kasabikan sa pag-aakalang makatutuklas ng bagong kaalaman na tutugon sa interes ng mga kabataan gamit ang teknolohiya.
Sa mga unang buwan ng panuruang taong 2020-2021, maraming programa ang naipanukala kabilang na rito ang pagbuo ng Learning Continuity Plan (LCP) upang maipagpatuloy ang pagbibigay edukasyon sa mga kabataan. Ang programang ito ang nagbigay liwanag sa pangangailangan ng bawat mag-aaral. Naglalaman ito ang iba’t ibang learning modality na angkop para sa lahat, may kompyuter man o wala, mayaman man o mahirap, may magulang man o wala, at malayo man o malapit tunay ngang ang edukasyon ay para sa lahat.
Sa kabilang banda, ang mga guro naman na tila hirap sa paggamit ng mga aplikasyon sa pagsasagawa ng klase tulad ng Google Meet, Zoom, Workspace, Microsoft Office 365, at iba pa ay naibsan sa pamamagitan ng pagdalo sa napakaraming webinar, pagsasanay, at workshop na hatid ng iba’t ibang dibisiyon ng walang anumang bayad. Ang ma ito ay nakatutulong sa mga guro upang kahit papaano ay malagpasan ang suliraning kinahaharap sa pagtuturo.
Ilang linggo bago matapos ang isang tinaguriang “pandemic school year”, ang lahat ay abalang-abala pa rin bilang paghahanda sa paglipat ng panibagong pahina sa larangan ng edukasyon. Ang isang taong puno ng paghihirap ay naibsan ng bawat isa dahil sa pagsama-sama at pagtutulong-tulong ng lahat. Patuloy man na manalanta ang pandemya, hinding-hindi ito hahayaang maputol at tuluyang mawala ang pagkatuto ng pangunahing kliyente ng mga guro, ang mag-aaral. Anumang hamon ng buhay laging tandaan na ito ay dadaan lamang at tuluyang lilipas.
By: Rodillio A. Milagrosa Jr.|Teacher I | Olongapo City National HighSchool| Olongapo City