“Mapalad yaong mga nagtataglay ng malinis na puso sapagkat sa kalinisan lamang nagpapakita ang Diyos, subalit ang magiging katanungan sa mensahe nito ay kung gaano kalinis ba dapat ang puso ng isang tao upang kanyang makita ang Diyos sa kanyang buhay.”
Sa tuwina ay sinasabi na ang taong may busilak na puso ay yaong may pusong walang bahid na kahit ano pa mang kasalanan. Ito ang pusong walang ibang masamang hangarin o layunin sa kapwa.
Paano koi to maiuugnay sa buhay ng isang guro, minsan ay may narinig akong sermon ng isang pari sa simbahan, wika niya “Alam ninyo sa lahat ng taong naririto sa atin ang pinakamapalad ay ang mga “guro”, sila ang binigyan ng espesyal na pagkakataon ng Diyos na umakay sa maraming kabataan at baguhin ang buhay ng mga ito, kaya nga nangako ang Diyos sa kanila, sa langit pa lamang ay may nakareserve na silang silid “para lang sa kanila”. Pumalakpak ang tenga ko sa narinig na ito at nagpasalamat ako sa Diyos.
Masasabing puno ng pagsubok ang hinaharap na buhay ng isang guro, mula sa paggising sa umaga, isa na agad itong malaking hamon sa tuwina dahil sa maghapong ito lamang ang tangi niyang kasama. Mapapaisip ka kung paano niyang nakakayang harapin ang limampung bata sa bawat araw, paano pa kung anim na pangkat ang hawak mo e di 300 na bata ang kausap mo araw-araw, paano ito kinakaya ng lakas mo.
Naniniwala akong ito ay bunga ng isang pusong dalisay. Sinasabing sa kalinisan ng puso mas hahaba ang iyong pang-unawa sa nangyayari sa mga tao sa iyong paligid.
Maraming mga pagkakataon ang makakapagpatunay sa kadalisayan ng puso ng isang guro halimbawa kapag may suliranin ang iyong mag-aaral sa tuwina ikaw mismong guro ang apektado nito. Kpaag ang isang mag-aaral na dating aktibo sa klase at biglang nagbago sa kanyang performans ikaw na guro niya ay nababahala na at agad na gagawa ng solusyon sa problemang pinagdadaanan ng iyong mag-aaral at ito ay isang hamon sa iyo hanggat hindi ito nalalapatan ng tamang solusyon. Dahil sa taglay na kabutihan ng puso ang pagmamahal na nakapunla sa puso niya ang nagsisilbing butil, uusbong at namumunga ng totoong pagmamahal na patuloy na lumilingap sa kanyang mga mag-aaral. Dahil ang malinis niyang kalooban ay naghahangad na lahat ng kanyang mag-aaral ay mapabuti.
Isa pang mabuting halimbawa dito ay ang ginagawa niyang pagpapasakit sa kanyang kapwa sinasabi sa banal na kasulatan, “Ang tunay na mabuti ay iniiwan ang kanyang hawan upang hanapin ang nawawala niyang tupa”. Nangyayari ito kapag sa 50 mag-aaral mo biglang mawawala na lang ito at hindi papasok ng paaralan, bilang isang mabuting lingkod mahalagang malaman mo kung ano ang nangyari sa kanya anuman ang pinagkakaabalahan ng guro, maglalaan pa rin siya ng oras upang hanapin ito. Walang katapusan ang pagpapakita niya ng kabutihan dahil naniniwala siyang anumang hindi mo nagawa sa isa ay may malaking pananagutan ka sa Diyos dahil mapalad ka pinili ka ng Diyos upang ang kabutihan ay gawin mo sa kapwa mo. Ito pa rin ay dala ng kabusilakan ng puso ng maraming guro, na ginagawa ito ng walang anumang hinihinging kapalit, dalisay na puso kasama ang dalisay na pagmamahal.
Napakarami pang pagkakataon na naipakita ng maraming guro ang tunay na kahulugan ng mabuting paglilingkod na nagbubunga ng kadakilaan. Nariyang hatian ng pagkain ang kanyang mag-aaral kahit siya ay kapos din, abutan ng pamasahe ang mag-aaral na nangangailangan, magbigay ng payo kahit minsan akala ng marami ay sermon o pakikialam lamang, alalahanin sila kung may karamdaman kahit siya mismo ay masama ang pakiramdam, ibili ng tsinelas, bigyan ng damit o uniporme, makidalamhati sa lungkot at kasawiang nararamdaman ng kanyang mag-aaral.
Naisip ko tuloy kung ganito kadami ang mga pagpapakasakit ng puso ng isang guro, gaano kaya kalaki ang puso nito? May natitira pa kayang puwang dito para sa kanyang mahal sa buhay? Sa kanyang sarili kaya may natira pa ba?
Kung ating susuriin, maraming tao ang binibigyan ng pagkakataon ng Diyos upang gumawa ng kabutihan sa kanyang kapwa ngunit kasabay ng pagkakataong ito na sasamahan ng katapatan at kabusilakan ng puso dito na mabubuhay ang “Tunay na kadakilaan ng paglilingkod” na nagbubunga ng mabuting likha.
By: Soren Loviza O. Espiritu | Teacher I | BNHS | Balanga, Bataan