Ang bawat pagpatak ng ulan, may kaakibat na sakripisyo—oo nga’t ang ulan ay nakatutulong sa lupa at mga halaman, ngunit may mga pagkakataong ang malakas na pagbuhos nito ay nagdudulot ng abala. Maikukumpara ito sa sakripisyo ng mga guro na hindi palaging madaling tanggapin, ngunit kailangang-kailangan upang magbigay ng buhay sa mga mag-aaral.
Sa bawat araw na pagpasok ng mga guro sa silid-aralan, dala nila ang kanilang mga payong bilang proteksyon mula sa mapanlinlang na hamon ng sistema ng edukasyon. Tulad ng isang payong na sumisilong mula sa ulan, nagsisilbing gabay at proteksyon ang mga guro sa mga mag-aaral mula sa mga kalituhan at kahirapang dulot ng buhay. Hindi madali ang kanilang tungkulin. Ang payong ay maaaring maluma, mabasa, o masira sa sobrang lakas ng ulan—ganito rin ang sakripisyo ng mga guro. Napupuno ng pagod, stress, at minsan pa’y pagkadismaya, ngunit patuloy silang nagbubukas ng kanilang mga payong at patuloy na naglilingkod.
Gayunpaman, may mga pagkakataon din na ang lakas ng hangin—mga problema sa kakulangan ng kagamitan, kakulangan ng suporta mula sa pamahalaan, at minsan pa’y kakulangan ng respeto mula sa ibang sektor na humahadlang sa kanilang misyon. Para sa maraming guro, ang bawat araw ng pagtuturo ay isang pakikibaka sa pagitan ng kanilang hangarin na magbigay ng edukasyon at ng lakas ng hangin na nagdadala ng balakid. Kadalasan, ang lakas ng hangin ay nagpapahirap sa kanila. Parang hindi sapat ang payong upang maprotektahan sila mula sa mga unos ng edukasyon, ngunit patuloy silang naninindigan, kahit pa tila umaangat na sa lupa ang kanilang mga paa dahil sa tindi ng unos.
Ang mga guro, tulad ng ulan, ay isang biyaya sa buhay ng mga mag-aaral. Ang kanilang sakripisyo ang nagpapatuloy sa pagdaloy ng kaalaman at paghubog ng kinabukasan ng bansa. Tulad ng ulan na nagpapasigla sa tuyong lupa, ang mga guro ang nagbibigay-buhay at sigla sa mga batang umaasa ng mas maliwanag na kinabukasan. Kaya’t sa tuwing makikita natin ang ulan, sana’y maalala natin ang sakripisyo ng mga guro—hindi perpekto, puno ng mga hamon, ngunit walang kapantay ang halaga para sa ating lipunan.
ULAN SA BUHAY NG MGA MAG-AARAL
Ang bawat pagpatak ng ulan, may kaakibat na sakripisyo—oo nga’t ang ulan ay nakatutulong sa lupa at mga halaman, ngunit may mga pagkakataong ang malakas na pagbuhos nito ay nagdudulot ng abala. Maikukumpara ito sa sakripisyo ng mga guro na hindi palaging madaling tanggapin, ngunit kailangang-kailangan upang magbigay ng buhay sa mga mag-aaral.Sa bawat araw…