Kung nasaan man tayo ngayon, malamang ay may isang tsuper na naghatid sa atin papunta rito. Hindi sapat ang salitang “salamat” sa laki ng parte nila sa ating mga buhay kaya naman sa mga iilan pang araw na natitira, tulungan natin sila sa pamamagitan ng pagsama sa kanila sa daang mas malubak pa sa bato-batong kalsada.
Bilang komyuter, papayag ka bang maging pamasahe ang iyong meryenda? Kung hindi ay paano pa ang mga tsuper na pinagbabayad para sa modern jeepneys na halos iginagapang pa ang kinikita upang ipambayad sa paaralan para sa magandang kinabukasan ng kanilang mga anak? Higit pa rito ay hindi magiging makatarungan para sa ating mga pangkaraniwang mamamayan ang laki ng aanihin ng mga dayuhang sa atin ay mamumuhunan.
Naglalakbay ka man ngayon o nakarating na sa iyong destinasyon sa buhay, aba’y sandali lamang naman, wala munang papara – para sa kabuhayan at mga pamilyang binubuhay nila.
