Walang Mang-aapi Kung Walang Magpapa-api

Isa ka ba’ng biktima ng bullying? O isa sa iyong mga mahal sa buhay ang nakakaranas ng pambubulas habang nasa paaralan? Ang bullying o pambubulas ay isang paraan ng pang-aabuso o pagmamalabis kung saan, kinasasangkutan ito ng paulit-ulit na pang-aapi at pagmamaltrato sa isang indibiduwal upang ipahayag na sila ang mas makapangyarihan kumpara sa ibang…


Isa ka ba’ng biktima ng bullying? O isa sa iyong mga mahal sa buhay ang nakakaranas ng pambubulas habang nasa paaralan?

Ang bullying o pambubulas ay isang paraan ng pang-aabuso o pagmamalabis kung saan, kinasasangkutan ito ng paulit-ulit na pang-aapi at pagmamaltrato sa isang indibiduwal upang ipahayag na sila ang mas makapangyarihan kumpara sa ibang tao. Karaniwang pangyayari ito sa mga paaralan.

Masasalamin natin na napakalungkot ng sinasapit ng mga batang binu-bully. Dalawa sa pangunahing dahilan kung bakit may naapi ay dahil sa kanilang pisikal na anyo at social status. Inaapi sila dahil sa tingin ng ibang tao ay hindi sila angkop sa lipunang kanilang ginagalawan, marahil dahil sa kanilang kakaibang itsura, pagkilos, lahi o relihiyon.

Ano nga ba ang epekto ng pambubulas sa mga inaapi? Ang mga epekto ng pang-aapi ay hindi lamang mabigat kundi, nagbibigay rin ito ng tsansang pagpapakamatay ng naapi. Makakaramdam siya ng mga emosyonal na problema na mauuwi sa depresyon. Bilang resulta, maaapektuhan ang kanyang araw-araw na rutin tulad ng pag-uugali, pag-aaral at pakikitungo sa ibang tao. Ang bullying ay walang hangganan at walang awa.

Marahil ay iniisip ng iba na katiting na isyu lamang ang bullying sa mga paaralan. Ngunit, matapos ang ilang ulat tungkol sa pagpapakamatay ng mga inaapi, ang problema ng pambubulas ng unti-unti nang napagtutuunan ng pansin at DAPAT na asikasuhin. Isa itong immoral na gawain, na nararapat lamang na tigilan, pigilan at bigyang-pansin ng magulang at ng paaralan.

By: Gloria D. Castillo | Teacher I | Pablo Roman National High School | Pilar, Bataan