Itinuturo sa atin na, mahalagang magmahal sa ating sariling wika. Sapagkat ang paglimot sa ating wikang Pilipino ay nagpapakita ng kawalan ng malalim na pagkatao. Ang wika ay hindi lamang isang lenguahe, ngunit ito ay nagbibigay ng pagkakaisa sa bansa, ng pagiging Filipino natin, ang ating kultura at iba pa. Ginagamit natin ang ating wika upang makipag-usap sa mga kapwa tao natin. Dagdag pa rito, ipinapasa natin ang mga kultura at pinahahalagahan sa mga susunod na henerasyon. Ang ating identidad bilang isang Filipino ay nakatutok sa ating wika, ito’y nakikita sa ating pagmamahal sa bayan at sa pagpapahalaga sa kaysayan.
Bagama’t ang wikang banyaga ay ating itinataguyod din tungo sa epektibong pakikipag-ugnayang pandaigdigan, ang katutubong wika ay kahit kailan ay hindi maaaring maglaho sa ating sistema. Kaakibat ng ating sariling wika ay ang mga kaugaliang Pilipino na dapat nating ipagmalaki ay mapanatili. Kabilang na rito ang paggalang sa kapuwa, sa magulang, sa awtoridad at nakatatanda. Ito’y isang katangiang Pilipino na dapat nating buhayin sapagkat ito’y mahalagang pundasyon ng kaunlaran.
Ang Wika ng Pagkakaisa “Filipino” ang siyang ginamit at ibinigay ng may lumikha upang magkaintindihan ang ating mga ninuno upang bumuno ng isang makatao,makakalikasan, at makadiyos na bansa. At sa ngalan ng ating mga ninuno, ako na siyang anak ng Diyos. Gagawin lahat ang aking makakaya upang maibalik ang nawalang katauhan ng ating lahi. At sa pamamagitan ng ating wika “Filipino” ay isa sa pinaka-malakas na sandata na pwedeng gamitin upang maisagawa ang artikulo ng isang nagkakaisang Pilipinas. Ang puwersa ng pananalita, na siyang magbubuklod sa lahat ng nawawala na diwa ng bawat Pilipino.
Tayo na’t magsama-sama tungo sa paghahanap ng solusyon tungo sa pagbabago. Tyo na’t gamitin ng tama dahil ang Wika Ko, ay Wika Mo, ang Wikang Filipino! Upang atin nang masulyapan ang pagkakaisa na siyang magdadala satin sa rurok ng tagumpay bilang iisang lahi.
Wikang Filipino, wika ng bawat Pilipino. Ikaw, ako, tayo… iisa.
By: Mrs. Arlene Q. Agustin | Teacher I – Social Studies | BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL – SHS | Balanga City, Bataan