Ang wika ay maituturing tinig ng isang bansa sapagkat ito ang daan upang maipahayag ng kaniyang mga mamamayan ang kanilang kaisipan, saloobin at damdamin. Sa pamamagitan ng wika, naipapapahayag ng isang tao kung ano ang nasa kaibuturan ng kanyang puso at isip. Ito ang nagsisilbing kasangkapan upang mapagyaman nya ang kanyang sariling pagkatuto at relasyong interpersonal.
Sa pagsisimula ng bagong K to 12 Curriculum, umani ng iba’t ibang reaksyon at batikos ang paggamit ng kinagisnang wika o “mother tongue” sa elementarya. Nagkaroon ng tunggalian ng sari-saring pananaw na nababatay sa magkakasalungat na teyorya at pagsasaliksik.
Ayon kay Tucker (1996), pagkalinang ng kinagisnang wika ay mahalaga sa pag-unlad ng kaisipan ng isang tao at nagiging batayan sa pagkatuto niya ng pangalawang wika. Kung hindi sapat ang pagkalinang ng kanyang kinagisnang wika ay magiging mahirap para sa kanya na matuto ng iba pang wika.
Samantala, marami naman ang naniniwala na ang paggamit ng kinagisang wika ay isang malaking sagabal sa pagkatuto ng iba pang wika tulad ng Ingles at iba pang asignatura na dati nang itunuturo sa wikang ito tulad ng Math at Science. Sila ay na niniwala na ang mas maaga at mas matagal na na eksposyur sa wikang Ingles ay mas mainam upang higit na magaling ang mga mag-aaral hindi lamang sa Ingles kundi pati na sa Math at Science namahalaga sa kasalukuyang panahon ng globalisasyon.
Bilang guro ng wikang Filipino, ako ay naniniwala na sa anumang pagkakataon, ang sariling wika ay mahalaga at nakatutulong sa kabuuang pag-unlad ng pagkatao ng isang indibiduwal. Ito ang nagsisilbing pundasyon na makatutulong upang higit pang matutunan ang iba pang bagay sa loob at labas ng paaralan. Kung may kasabihan tayo na “bago mo mahalin ang ibang tao, mahalin mo muna ang sarili mo”, maaari din natin itong maiugnay sa wika. “Bago mo mahalin ang ibang wika, mahalin mo muna ang iyong sariling wika.”
Sakabilang banda, hindi ko naman sinasabi na ang bihasa sa banyagang wika ay walang pagmamahal sa kanyang sariling wika o bansa. Marahil, ito ay pagpapakita ng kakayahang panglingwistika o intektwal na pag-unlad o di kaya man ay dala ng sitwasyon gaya ng paglaki sa banyagang bansa.
Gayun pa man, aminin man natin o hindi, may mga kaisipan o damdamin tayo na tanging sa kinagisnang wika lamang natin kayang ipahayag. May mga salita tayo na hindi kayang isalin ng tumpak sa banyagang wika na kung minsan, ang ideya ay nababawasan o nadadagdagan. Sa mga pagkakataon na lubhang madamdamin o malalim ang ating nais ipakahulugan, tanging ang wikang malapit sa ating puso ang kayang magpahayag- ang ating wikang kinagisnan. Ito ang nagsisilbing tinig ng ating puso at isipan.
Sa kabuuan, kailangan nating patuloy na linangin at lalo pang mahalin angating kinagisnang wika maging ito man ay Kapampangan, Tagalog, Ilokano, Ilonggo, Bikolano, Bisaya at iba pa. Gayun din, nararapat din nating bigyan ng higit na pagpapahalaga ang wikang nagbibigkis sa ating bansa- ang wikang Filipino. Sapagkat, ano man ang ating maging katayuan sa buhay, makarating man tayo sa iba’t-ibang dako ng mundo, tayo ay nananatiling Filipino.
By: Myla B. Manrique | Teacher I | Bonifacio Camacho National High School | Abucay, Bataan