Ang paghahangad sa edukasyon ng bawat tao ay di kayang pigilan ninuman, kahit na ng edad man o pagtanda. Ayon nga kay G. Henry Ford, “Anyone who stops learning is old; anyone who keeps learning stays young”.
Ang Alternative Learning System ay sistema ng edukasyong binuo para sa lahat ng edad ng tao. Ito ay naglalayon na maibigay ang karapatan sa edukasyon ng isang mamamayang Filipino, bata man siya o matanda. At karaniwan na ang mga mag-aaral sa ALS ay kabilang sa mga may-edad o matatanda o mas komportableng tawagin silang adult learners.
Ang salitang adult kung titignan sa Wikipedia, the free enclyclopedea na ang ibig sabihin, “ay isang tao na mas malapit sa mature age o ang edad kung saan ang isang organismo ay may kakayanan na makabuo ng tao o reproduction”. Kaya prayoridad sa alternatibong edukasyon ang mga programang aakma sa panlasa lalo na ng mga adult learners.
Ayon sa pag-aaral ng mga dalubhasa patungkol sa ugali at mga ekspektasyon ng mga adults, ito ang kanilang mga natuklasan: (1) Ang mga adults ay naghahangad na tratuhin sila ng may respeto at rekognasyon, (2) mas gusto ng mga adults ang praktikal na pamamaraan sa paglutas ng suliranin na nararanasan sa tunay na buhay, (3) kaya nilang salaminin, basahin at matuto sa kanilang personal na mga karanasan, (4) ang bawat isa sa kanila ay may kanya-kanyang pamamaraan ng pag-aaral at sa ganito niya ito mas nais maisagawa, (5) ang mga adults ay mas maeenganyong sumali sa isang bagay (o pag-aaral sa ALS) kung bibigyan sila ng mga posibilidad na maibigay ang kanilang request o hiling at laya sa kung paano nila gustong gawin ang isang bagay, (6) ang isang adult ay nangangailangan sa kanyang kapwa-adult (peer o kaibigan) kapag nag-aaral, (7) mas makabubuti sa kanila na maipahayag ang sariling nararamdaman sa paraan na ayon sa kanyang kinamulatan: paniniwala, pananampalataya at pinagmulan o kultura, at (8) ang mga adults ay may kakayanan nang magdesisyon para sa sariling kapakanan at pangunahan ang personal na paghubog.
Ang mga impormasyon base sa pag-aaral at kaalaman patungkol sa mga katangian ng mga adults ay patuloy na sinisikap ng Alternative Learning System na makapabigay ng iba’t ibang programang litirasiya para sa dibersidad sa interes at kultura ng mga learners. Isinasa-alang-alang dito ang mga katangian ng adults upang gawin nila ang dapat gawin para magkaroon ng edukasyon.
Ang ALS ay may mga indicators sa pagbuo ng mga pamamaraan at principles sa pagbibigay ng edukasyon. Sinisikap nila na ang lahat na maging: (1) ATRAKTIBO o INTERESANTE ang mga Literacy Program, (2) KONEKTADO o UMUUGNAY sa buhay ng mga learners ang mga Learning Content, (3) ang paraan ng pagtuturo at paghubog ay NAKAKAPAG-PALAKAS NG KOMPIYANSA at NAKAKAPAGPALAKAS NG LOOB at (4) ang kahihinatnan ng mga learners ay TIWALA SA SARILI at SATISPAKSYON.
Ang mga Adult Learners ay maituturing na nagtataglay ng matured na kaisipan kung ikukumpara sa karaniwang mag-aaral sa paaralan base na rin sa kanilang edad at mga karanasan. Marami sa kanila ang may asawa’t anak na kailangang suportahan at itaguyod, kaya kinakailangan nilang mag-hanapbuhay para sa pamilya. Hindi man kumpleto o hindi nila natapos ang kanilang Basic Education ay gumagawa sila ng mga paraan upang magkaroon ng mapagkakakitaan. Ang ilan ay may mga Technical Skills kaya nakakapasok sa mga kompanyang mapapakinabangan ang kanilang mga kasanayan tulad ng Sewing Machine Operator, Welding, Automotive, General Electricity, at marami pang iba. Ang nakalulungkot lang na isa sa mga diskarteng iyon ay ang pamemeke ng diploma at ito ang pangunahing gampanin ng ALS na maialis sila sa ganoong kalagayan at mabigyan sila ng lehitimong sertipiko ng pagtatapos.
Ang pag-aalok sa kanila ng mga programang litirasiya tulad ng Basic Literacy Program at Accreditation and Equivalency Program ng Alternative Learning System ay dapat na maipaunawa sa kanila na ito ay angkop o relevant para sa kanila. Mahalaga na maipaliwanag sa kanila ang importansiya ng edukasyon sa buhay ng tao; kailangan maihambing mo sa kanila ang pagkakaiba ng naka pag-tapos sa hindi naka pag-tapos ng pag-aaral. Kailangan mong kumbinsihin sila na hindi magagambala ang kanilang paghahanapbuhay para sa kanilang pamilya bagkus ito ay kailangan nila, na ang karunungan ay magbibigay sa kanila ng pribilehiyo at oportunidad para sa maginhawang buhay.
Ang pag-abot sa aming mga “Adult Learners” ay napaka-challenging sapagkat kailangan mo silang kilalanin sa pamamagitan ng pakikipamuhay sa kanila. Kailangan mong damahin ang ilan sa mga pinagdadaanan nila, sa pamamagitan ng madalas na pagbisita at pakikipag-usap sa kanila. Kailangan mong umugnay sa kanila hindi lang bilang isang guro kundi isang kaibigan o barkada na laging nandiyan para sa kanila. Isang mapang-unawa at mapagbigay na kaibigan na handang magbigay ng moral na suporta para sa kanila.
Ang pinakamabisang komunikasyon para sa mga Adult Learners ng ALS ay yung handa kang makinig mula sa kanila, matuto mula sa kanila at maitama ang mga negtibong pananaw sa pamamagitan ng pagbibigay pag-asa na ang mga suliranin ay mas mabuting maibahagi sapagkat maghahatid ito ng panibagong kaalaman at mabisang pagkatuto.
By: Junary Roger S. Esdicul