Ang Panitikan sa Pagsusulong ng Katarungan, Kalayaan, at Kapayapaan

Sa pagpatak ng bawat segundo, nagbabago ang mundo. Bawat pag-ikot ng kamay ng relo, ang Panitikang Pilipino’y unti-unti nang natatabunan, nalilipasan, at nalilimutan. Ganyan mailalarawan ang takbo ng pamumuhay sa kasalukuyan — ika nga nila, panahon ng kaunlaran at makabagong makinarya. Mula sa mga impluwensya ng mga Kastila, Amerikano, at Hapon, hanggang sa mas tumitinding…


Sa pagpatak ng bawat segundo, nagbabago ang mundo. Bawat pag-ikot ng kamay ng relo, ang Panitikang Pilipino’y unti-unti nang natatabunan, nalilipasan, at nalilimutan. Ganyan mailalarawan ang takbo ng pamumuhay sa kasalukuyan — ika nga nila, panahon ng kaunlaran at makabagong makinarya. Mula sa mga impluwensya ng mga Kastila, Amerikano, at Hapon, hanggang sa mas tumitinding impluwensya ng modernong panahon, ang panitikang puro’y tuluyan nang nakaligtaan at napalitan ng banyagang kalinangan. Mas tinangkilik, subalit hindi isinaisip ang dugo, pawis, at sakripisyong inilaan ng ating mga bayani para sa panitikan ng ating lahi.

Ngunit, ano nga ba ang kahulugan ng panitikan?

Ang panitikan ay itinuturing na paraan ng pagpapahayag na iniaayos sa iba’t-ibang karanasan at lagay ng buhay at kaluluwa. Ito’y nababalot ng pag-ibig o pagkapoot, ligaya o lungkot, at pag-asa o pangamba. Ayon pa kay Hon. Azarias sa kanyang aklat na “Pilosopia ng Literatura,” ang panitikan ay ang pagpapahayag ng mga damdamin ng tao hinggil sa mga bagay-bagay sa daigdig, pamumuhay, lipunan, pamahalaan, at kaugnayan ng kaluluwa sa Bathalang lumikha. Hinggil ito sa pag-uugaling panlipunan, paniniwalang pampulitika at pananampalatayang niyakap ng mga Pilipino.

Sa oras ng pagdating ng mga mananakop sa bansa, ang dating panitikan ay namahinga habang nanahan sa ating mga isip, puso, at diwa ang kanilang impluwensya. Sa panahong ito, ang pagkagising ng damdaming makabayan ang umiral at nagpasimula ng pagkakaisang pambansa na siyang mga katangian ng panahon ng propaganda at himagsikan. Ang panitikan ang siyang ginamit ng ating Pambansang Bayani na si Dr. Jose Rizal upang maisakatuparan ang kanyang layuning makamit ng bansa ang katarungan, kalayaan, at kapayapaan. Mga nobela kagaya na lamang ng Noli Me Tangere at El Filibusterismo ang ilan sa kaniyang mga sulating pumupuna sa pamumuno ng mga Kastila noong panahon pa ng himagsikan. Hindi lamang si Rizal, ngunit marami pang Pilipino ang sumubok na lumaban gamit ang pluma, tinta, at paninindigang isinakatuparan gamit ang panitikan.

Ang bagong panahon ay tunay ngang panahon ng kasarinlan at mga suliraning iniwan ng digmaan. Nakaliligtaan man ang panitikan, ang ala-ala nito’y patuloy paring matatandaan sa pamamagitan ng pagtuturo sa kabataan. Sa ganitong paraan magpapatuloy ang kaalaamang iniukit ng ating mga bayani sa kasaysayan. Kaakibat man ng makabagong panahon ang kabi-kabilaang gulo, kaakbay naman nito ang pagpupunyaging matagpuan ang sariling pagkakakilanlan ng nawaglit na kaluluwa ng lahi.

“Ang wika ay susi ng puso at diwa, tuluyan ng tao’t ugnayan ng bansa.”

– Marisol Mapula –

By: Mr. Jesus Apostol Jr. | Teacher I | Bataan National High School – Senior High