Unemployment

Ayon sa isinagawang Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority, lumalabas na bumaba sa 5.3 ang porsiyento ng unemployment rate sa Pilipinas sa buwan ng Enero taong 2018 mula sa 6.6 porsiyento noong taong 2017. Higit na ngang bumababa ang bilang ng mga taong walang trabaho sa bansa, ngunit bakit parang wala namang nakikitang…


Ayon sa isinagawang Labor Force Survey (LFS) ng Philippine Statistics Authority, lumalabas na bumaba sa 5.3 ang porsiyento ng unemployment rate sa Pilipinas sa buwan ng Enero taong 2018 mula sa 6.6 porsiyento noong taong 2017.

Higit na ngang bumababa ang bilang ng mga taong walang trabaho sa bansa, ngunit bakit parang wala namang nakikitang pagbabago? Marami pa rin ang mga patuloy na naghahanap ng trabaho ngunit walang mapasukan, at mga taong napilitan nang gumawa ng mga ilegal na bagay para lamang matustusan ang kanilang mga pangangailangan. Lahat ng ito ay dahil sa kakulangan ng gobyerno sa pagbibigay ng solusyon sa naturang isyu at ang kawalan ng disiplina ng ilan nating mga kababayan na ayaw magsumikap kaya’t nanatili na lamang pabigat sa kani-kanilang mga pamayanan.

Matagal na ring umiiral ang kawalan ng trabaho sa bansa. Ngunit gaya ng mga nagdaang administrasyon, hindi pa rin mapuksa-puksa ng kasalukuyang presidente ang unemployment. Higit pa rito, mas lalaki pa ang tsansang tumaas ang unemployment rate dahil kada taon ay may mga nagtatapos ng kolehiyo. Kung hindi man swertehin sa paghahanap ng trabaho, mapipilitan din ang iba na mag-ibang bansa upang doon mamasukan. Kaakibat nito ang malakihang pagbawas sa labor force o lakas paggawa ng bansa at maaari ding maapektuhan ang estado ng ekonomiya na magdudulot ng mabagal na usad ng pag-unlad.

Kung titignan lamang ng mga naka-upo ang tunay na estado ng sambayanan, gagamitin ito upang makagawa ng solusyon, at makiki-koopera ang mga Pilipino, mabilis na mareresolba ang problema. Ilan lamang sa mga maaaring gawin ng gobyerno ay ang alisin ang matagal nang umiiral na kontraktwalisasyon o mas kilala sa tawag na “endo” o “end of contract,” taasan ang minimum wage, maglunsad ng mga job fair, at ang pinaka-importante ay ang dagdagan ang oportunidad at access ng mga estudyante at kabataan sa edukasyon. Mga programang nagbibigay kasanayan sa habambuhay na pagkatuto ang siyang tutugon sa mga nagbabagong pangangailangan ng merkado.

Masagana ang lupa at likas na yaman ng bansang Pilipinas, hindi lang ito nagagamit nang maayos. Kung mas lilinangin pa ang ating kaalaman, sasapat ito para sa sambayanan. Hindi na kakailanganin pa ang magpakahirap sa ibang bansa upang kumita at masustentuhan ang mga pangangailangan. Sa iisang bansa, dapat lahat ay magkusa. Sama-samang magtulungan upang makamit ang inaasam na pag-unlad.

By: Mr. Jesus Apostol Jr. | Teacher I | Bataan National High School – Senior High