Isa sa mga isyung kinakaharap ng ating bansa ngayon ay ang terorismo. Ang terorismo ay isyu na hindi dapat baliwalain. Ito ang dahilan kung bakit napipigil ang patuloy na pag – unlad at kapayapaan ng isang bansa. Tinatanggal nito ang ating karapatan at kapangyarihan na gumalaw ng may dignidad at dangal sa mundo. Hindi man natin matukoy kung ano ang tunay na kahulugan ng terorismo ito naman ay makikita sa mata ng kanilang mga nagiging biktima. Trauma at takot ang nangingibabaw sa mga taong nasasangkot sa maling ginagawa ng mga terorista.
Maraming dahilan upang maghasik ng terorismo. Una maaaring ito ay dahil sa kanilang galit sa mundong ginagalawan; Ikalawa, maaaring isang katuwaan lamang na gustong makakita nang maraming patay; Ikatlo, maaari rin itong pagsuporta sa isang gobyerno na may motibong paghihiganti; at ikaapat, maaaring bunsod ng pangrelihiyong paniniwala. Alin man sa mga iyan ang tunay nilang dahilan sa paggawa nito ay malinaw na labag sa batas at sa mata ng Diyos ang kanilang ginagawa.
Kamakailan lamang ay sunud – sunod na naman ang paglabas ng mga balita tungkol sa pag – atake ng terorismo sa ating bansa. Hindi ko mapigilang maiyak sa mga taong humihingi ng katahimikan para sa kanilang lugar dahil marami na ang naaapektuhan sa mga ginagawa ng terorista. Makikita mo sa kanila kung gaano nila ninanais na matigil na ito at magkaroon ng kapayapaan. Lalo pang nakakalungkot na makita ang mga batang nadadamay sa ganitong sitwasyon. Hindi dapat sila nakakatunghay at nakararanas ng mga ganitong pangyayari sa kanilang murang edad.
Ang banta ng terorismo ay huwag gawing biro. Hindi lang bansa natin ang nakararanas nito maging ang ibang bansa. Ang pinakamainam na sandata laban dito ay ang pagdarasal, hindi natutulog ang Diyos, nakikita at naririnig niya ang mga nangyayari sa ating bansa kaya naniniwala ako na pakikinggan niya ang ating panalangin. Patuloy nating ipagdasal ang kapayapaan at mga taong naiipit sa giyera ngayon dahil sa terorismo.
Sanggunian:
TERORISMO
November 22,2015
Posted by Balita Online
http://balita.net.ph/2015/11/22/terorismo/
TERORISMO: KRIMEN LABAN SA SANGKATAUHAN
Updated September 19, 2001
http://www.philstar.com/opinyon/134254/terorismo-krimen-laban-sa-sangkatauhan
By: Jecelyn Joy D. Juganas | LPT – Social Studies