Walang kasiguraduhan sa kinabukasan.
Sa kanyang puso’t isip laman ang Inang – Bayan.
Kalayaan niya ay pilit ipaglalaban
Parang pag-ibig na hinadlangan ng sambayanan.
Lahat ng hirap, sakit at pagtiis ay di alintana
Makamtam lamang ang tagumpay para sa kanya
Makita lamang ang ngiti, marinig lamang ang tinig
Nang sariling bayang pinag-alayan ng pag-ibig
Walang pag-aalintanang inialay ang buhay
Para sa isang bagay na hindi niya matatamasa
Pikit – matang sinalubong galit ng dayuhan
Pikit – matang tinanggap ang dusa para sa bayan.
Ngayon, ang kanyang tanong,
Ito ba’y may katuturan
Pagkat mula sa kanyang bantayog,
Kita niya ang kanyang kabiguan
Hanggang ngayon, dayuhan ay nananahan
Wika’y samu’t sari, limbag ay napalitan
Kasuota’y hindi makilala
Tila nalimot na ang tunay na para sa bayan.
Para saan ang sakripisyo
Kung hindi rin naman lumayo sa mga dayo,
Nakakahinayang, nakakalungkot
Parang siya pa ang dayuhan sa sariling bayan.
By: Mrs. Joan C. Isidro | Teacher II | Bataan National High School | Balanga, Bataan