Diet pa more

       Noong kasalukuyan pa akong nagtuturo sa Mariveles at mapunta nang main, naging maarte na ako pagdating sa pagkain. Kasi noong panahong iyon, napagtanto ko na tumataba na ako ng husto. Kaya binawasan ko na ang pagkain ko ng marami at nagsimula na rin akong mag-exercise. Nagsimula ang lahat sa pagbabawas ng kanin hanggang…


 

     Noong kasalukuyan pa akong nagtuturo sa Mariveles at mapunta nang main, naging maarte na ako pagdating sa pagkain. Kasi noong panahong iyon, napagtanto ko na tumataba na ako ng husto. Kaya binawasan ko na ang pagkain ko ng marami at nagsimula na rin akong mag-exercise. Nagsimula ang lahat sa pagbabawas ng kanin hanggang sa maging puro gulay at isda na lamang ang kinakain ko. Masasabi kong ang buhay gulay-isda ay may pinatutunguhan din. Ngunit noong naitigil ko ang nasabing diet, nadagdagan ng sobra ang timbang ko. Masasabi kong cycle lamang ang pagda-diet, kung hindi mo mapapanatili, mas lalo kang tataba kapag napabayaan mo ulit ang iyong pagkain.

     Hindi lamang ito ang nangyari sa aking kapabayaan sa pagkain. Bukod sa tumaba ako unti-unti  tumaas pa ang aking blood pressure, nagkarayuma at kalaunan tumaas unti unti ang aking creatine. Napabayaan ko ng husto ang aking sarili hanggang matuklasan kong sira na pala ang aking bato. Buti na lang at nakaraos na ako sa kidney transplant.

     Isang taon na ang nakalipas, hindi ko na maibabalik ang nangyari na. Solusyon na lamang sa kasalukuyang kalagayan ng aking kalusugan ay ang pagkain ng wasto. Walang masama sa pagda-diet, depende kasi ito sa pangangailangan ng ating katawan. Ang mahalaga handa ang katawan mo sa haharaping pagsubok at pagtitiis para lamang sa gusto mong katawan. Ngunit tandaan wag ding kalilimutan ang kalusugan baka magsisi ka kung tuluyan mo rin itong pababayaan sa bandang huli. Ika nga nila, lahat ng bagay ay may kapalit. Ang kapalit ng kagandahan ng katawan ay pagtitis. Ayon nga sa pinaghalong salitang tiis-ganda, kaya mong tiisin ang lahat sa ngalan ng kagandahan. Ngunit hanggang saan ang kailangan mong tiisin sa ngalan ng kagandahan?

     Kung kalusugan na ang isusugal mo para lamang  katawang maganda, sa tingin ko hindi ito sapat. Sinasabing ang kalusugan ang kayamanan ng ating buhay. Kapag palyado na ang sistema ng ating katawan, hindi na natin ito papakinabangan. Ano mang kagandahan ang maaaring ibigay ng bawat diet, sikapin lamang na hindi magiging palyadong kalusugan ang kapalit nito.

     Dahil sa bandang huli’y may magmamahal pa rin sa atin sa kung ano man ang itsura natin. Ang mga taong huhusgahan tayo base sa panlabas nating kaanyuan ay hindi mga totoong kaibigan na di tayo kayang tanggapin. Higit sa lahat, may sarili tayong desisyon sa ating buhay, magdiet man tayo o hindi, may tatanggap at tatanggap sa atin. Ang susi lamang sa masayang buhay ay ang pagiging kuntento sa kung ano mang itsura mayroon tayo. Hindi masamang mangarap ngunit hindi dapat maging kapalit nito ang ating kalusugan.Ang kalusugan ay ating kayamanan sa habangbuhay.

 

By: Jose Mari R. de Leon | Teacher III | Bataan National High School | Balanga, Bataan