Ang edukasyon ay ang pundasyon ng kinabukasan ng bawat indibiwal at ng buong lipunan. Ito ay maihahalintulad sa isang gusali na kinakailangang magtaglay ng matibay at matatag na pundasyon upang magamit ng buo at solido. Ang natanggap na edukasyon ang magsasabi kung ano ka sa hinaharap at kung ano ang mga maiaambag mo sa lipunang iyong kinabibilangan.
Sa paglipas ng panahon, hindi natin maitatanggi na malaki ang naging pagbabago sa edukasyon. Kasabay ng pag-unlad at pagbabagong pisikal ng bansa ay pagbabago sa mga gawi at kaparaanan ng edukasyon na ginagamit ng mga guro at maging ng mga mag-aaral.
Noon, ang chalk at pisara ang matalik na kaibigan ng mga guro. Kulang ang apat na tabla nito upang ipasulat ang mga aralin. Hanggang sa mauso ang paggamit ng mga manila paper na lubhang nakatitipid ng oras dahil sa mahabang pagsusulat. Ngunit ngayon, isa sa mga mabisang instrumento ng mga guro ay ang tv, laptop at projector. Ang mga hugis, kulay at larawan ay nakaaakit sa interes ng mga mag-aaral at lalong nakatutulong sa kanila upang mas matandaan ang mga aralin.
Noon, mano manong pagkalkula sa puntos ng mga mag-aaral ang ginagawa ng mga guro. Ngayon, ilang pindot lamang sa kompyuter ay makukuha na ang kabuuang grado ng mga mag-aaral.
Noon, madalas na puno ang silid-aklatan dahil sa mga mag-aaral na mainam na naghahanap ng impormasyon at kasagutan sa kanilang mga takdang aralin. Ngayon, sa ilang segundo at minuto ng paggamit ng internet sa computer shop, tahanan o sariling cellphone ay makukuha mo na ang kasagutan sa iyong pag-aaral. Totoong mas mabilis ang pagkuha ng kaalaman ngayon, ngunit hindi natin maitatangi na nahuhubog ang ating abilidad at kasanayan sa matiyagang paghahanap sa kasagutan ng ating mga aralin.
Noon, kilo-kilometrong layo ang handang lakarin ng mga estudyante makapasok lamang sa paaralan. Kulang man sa mga kagamitan ay hindi iniinda makapagtapos lamang sa pag-aaral. Ngayon, ang karamihan ay may sapat na saksayan, malapit na paaralan at mga pasilidad, ngunit may ilan hindi ito pinahahalagahan.
Noon, pinansyal at pera ang hadlang sa mga mag-aaral. Ngayon, ang buhay pag-ibig sa murang edad ang pinagkaka-abalahan at nagiging hadlang sa matagumpay na pag-aaral.
Noon, hindi natin maitatanggi na tayo ay nakaranas ng istriktong pamamaraan ng pagtuturo at pagdidisiplina ng mga guro. Dahilan kayat masasabi nating mas disiplinado ang mag-aaral natin noon kaysa sa ngayon.
Ito ay ilan lamang sa mga pagbabago na hindi lingid sa ating kaalaman. Ang bawat pagbabago sa edukasyon ay may positibo at negatibong naiududulot. Masarap alalahanin ang mga nakagawiang pagbabago noon at ngayon. Ngunit lagi nating iisipin na sa bawat pagbabago, ating hagkan ang mga positibong epekto nito. Maaaring gamitin kahit paminsan-minsan ang mga gawi at pamaraan sa pag-aaral noon para sa epektibong pagtuturo at pag-aaral.
By: Gng. Sharon L. Dela Cruz | Teacher III | Bataan National High School | Balanga, Bataan