“Ang pagpapaunlad ng sarili ay pagpapaunlad sa nakararami.”
Ang kaalaman at kahusayan ng mga guro sa larangan ng pagtataya ng pagkatuto ng mag-aaral ay sadyang kailangan. Isa sa mga katangiang taglay ng epektibong guro ay ang malalim na pagkaunawa at masusing kasanayan tungkol sa ibat ibang pamamaraan sa pagtataya. Sinasabing kahit na gaano ka-moderno at kagaling sa mga istratehisya ang mga guro, hindi pa rin masisigurong magiging epektibong guro ka. Sa totoo lang, katumbas ng kahusayan ng guro sa pagtataya / ebalwasyon ay ang kahuasayan ng mga mag-aaral.
Kung tutuusin, sa paghahangad natin ng mas mataas na kalidad ng edukasyon, inaasahang ang mga guro ay may taglay na kagalingan sa pagtataya. Kung kinikilala ng mga guro ang kanyang sarili bilang instrument ng pagbabago, dapat niyang yakapin ang kanyang limitasyon at kakulangan sa larangan ng ebalwasyon sapagkat ang kalidad ng edukasyong binibigay natin, sa huli, ay tutukoy sa kwalitibo at kwantitibong antas ng pagkatuto ng mga mag-aaral.
Isa sa mga suliraning maaaring kinakaharap, lalo na ng mga gurong hindi naman pagtuturo ang pinagyariang kurso ay ang limitadong kaalaman at kasanayan kung paano susukatin ang kasanayang kinakailangang malinang sa bawat araw. Mahalagang malaman ng mga guro ang mirroring effect ng kakulangan ng kaalaman at kasanayan sa pagtataya sa katuturan ng kalidad ng mag-aaral na kanilang nililinang. An gating mga isinasagawang practices sa pagtataya sa mga kasanayan ng bawat mag-aaral ay nakakaapekto sa performans ng mga mag-aaral. Dahil dito, ang mga mag-aaral ay umaasa na ang mga guro ay may mahusay na pagsasagawa ng balidong pamamaraan ng pagtataya para masigarado ang positibong bunga. Ang pagtuturo ay pagbebenta. Bilang mga guro, pananagutan nating panattilihing uhaw may laman ang balon ng kaisipan ng mga mag-aaral. Paano ba natin niluluto ang material na ating pinangbibili sa ating mga mag-aaral? Maaaring hilaw pa ang kaalaman at kasanayan natin sa pagtataya kung kaya sa huli, hilaw din ang resulta ng pagkatuto. Kaya nga, dapat suriin nating mga guro ang 3K’s sa pagtataya: kaalaman, kakayahan at kasanayan. Maaaring may ilan sa atin na may tiyak na kaalaman sa ibat-ibang pamamaraan ng pagtataya. Ang tanong naisasagawa ba? Pwede rin naman ang ilan ay nagsasagawa ngunit may sapat bang kakayahan at kaalaman? Suriin natin ang ating sariling kaalaman, kakayahan at kasanayan upang magawa natin ang ating professional judgment at moral obligation para sa tama, makabuluhan at balidong pagtataya para sa lahat ng mga-aaral.
Ang masusing proseso ng ebalwasyon ay sadyang mahalagang armas upang magabayan ng mga guro ang mga mag-aaral sa mas epektibong landasin ng pag-aaral. Subalit, an gang mahina at limitadong proseso ay may kakayahang makaapekto sa pagkatuto ng mga mag-aaral at sa huli maging handlang sa mga inobasyon particular sa bagong kurikulu-K to 12. Ayon nga sa pag-aaral na sinagawa ni Lasaten (2016), multiple choice ang pinakaginagamit na metodo bilang pagtataya ng mga guro na kung tutuusin taliwas sa prinsipyo ng K to 12 na ang pokus ay sa performans ng mga bata. Lumabas din sa kanyang pag-aaral na ang pinakanais ng mga guro na maunawaan ay ang mga panuntunan sa pagsisiguro ng kalidad ng tests na kanilang ginagawa particular ang authenticity, validity at reliability nito. Isang pagpapatunay na may pangangailangan sa pagsasanay ang mga guro sa mundo ng pagtataya.
Kaya nga, once a teacher always a student. Tungkulin nating mga gurong paunlarin ang ating mga sarili kung saan tayo mahina. Pagsumikapan nating palakasin an gating mga kahinaan sa ating patuloy na pagpapayabong ng ating propisyon upang tayo ay patuloy na maging inspirasyon ng ating mga mag-aaral at ng lipunan. Ang pagiging uhaw natin sa kaalaman ay siyang magiging armas natin upang tayo ay maging mas makabuluhan sa buhay ng ating mga mag-aaral at komunidad.
Ang patuloy na pagpapaunlad ng ating mga sarili bilang mga tagapagpanday ng bagong lipunan ay siyang sagot sa mas progresibong hinaharap.
By: Gng. Sandee C. Olubia | Teacher III | Bataan National High School |Balanga, Bataan