Ang pagkakaroon ng isang mataas at matibay na edukasyon ay isang saligan upang mabago ang takbo ng isang lipunan tungo sa pagkakaroon ng isang masaganang ekonomiya. Mataas na edukasyon na hindi lamang binubuhay ng mga aklat o mga bagay na natutunan sa ating mga unibersidad at paaralan. Bagaman, kasama ito sa mga pangunahing elemento upang magkaroon ng sapat na edukasyon, ang praktikal na edukasyon na nakabase sa ating araw-araw na pamumuhay ang siya pa ring dapat na piliting maabot. Matibay ang isang edukasyon kung ang tao ay nagkamit katalinuhan bunga ng mga pormal na pag-aaral tungkol sa Matematika, Agham, Ingles, Kasaysayan at iba pang asignatura na sinamahan ng mga aral base sa sariling karanasan kung paano ba mabuhay ng maayos at matiwasay.
Ang edukasyon ang nagsisilbing daan tungo sa isang matagumpay na hinaharap ng isang bansa. Kung wala nito, at kung ang mga mamamayan ng isang lipunan ay hindi magkakaroon ng isang matibay at matatag na pundasyon ng edukasyon, magiging mahirap para sa atin na abutin ang pag-unlad. Marapat lamang na maintindihan na ang edukasyon ang magdadala sa atin tungo sa inaasam na mithiin.
Ang isa sa mga layunin ng edukasyon ay ang pagkakaroon ng kaalaman sa mgabagay-bagay at impormasyon na naganap sa nakaraan, nagaganap sa kasalukuyan, at mga magaganap sa hinaharap. Ito ang nagsisilbing mekanismo na humuhubog sa isipan, damdamin at pakikisalamuha sa kapwa ng isang tao. Ito rin ang dahilan ng mga mabubuti at magagandang pangyayari sa ating mundo at ginagalawang kapaligiran.
Ang edukasyon ay kailangan ng ating mga kabataan sapagkat ito ang kanilang magiging sandata sa paghulma ng kanilang magangang kinabukasan. Ang kanilang kabataan ang siyang estado kung saan nila hinahasa ang kanilang mga kaisipan at damdamin sa mga bagay na kailangan nila sa kanilang pagtanda. Ang edukasyon ay mahalaga sapagkat ito ang nagiging daan sa isang tao upang magkaroon ng mga kaalaman tungkol sa kanyang buhay, pagkatao at komunidad na ginagalawan. Ito ang naghuhubog ng mga kaisipan tungo sa isang matagumpay na mundo na kailangan ng bawat isa upang lubusang mapakinabangan ang daigdig at malaman ang mga layunin nito.
Ang kabataan ay nararapat lamang na magkaroon ng sapat na edukasyon sa pamamagitan ng kanilang karanasan at pormal na programa na nakukuha sa mga paaralan. Ito ang kanilang magiging armas upang maharap nila ang mga bagay na kaakibat ng kanilang magiging kinabukasan. At dahil sila ang ating pag-asa, nararapat lamang na ibigay natin sa kanila ang lahat ng kanilang pangangailangan upang maabot ang kanilang mga pangarap.
By: Julina Joy C. Berame