Mula pagkabata ay akin ng nasaksihan
Mga batang palaboy sa maraming lansangan
Hindi ko mawari kung bakit kailangan
Na manlimos na lamang sila kung saan-saan.
Ako ay nag-iisip kung paano nangyayari
Na sa bawat araw ay nandiyan sila parati
Pambili daw ng pagkain ang kanilang pakiwari
Nasaan ang mga magulang, ba’t ganito ang nangyayari.
Minsan isang araw sila ay aking kinausap
“Bakit kayo nandito, wala ba sa inyong naghahanap?”
“Nasaan ang inyong ama? Nasaan ang inyong ina?”
Dapat sa paaralan kasi ay naroroon sila.
Wala daw silang pera para sila ay makapag-aral
Iniwan daw sila ng ama noong sila ay sanggol pa lamang
Ang kanila namang ina ay nakaratay sa kanilang tahanan
Dahil sa sobrang pagkayod ay naratay sa karamdaman
Ako ay nalungkot sa aking nalaman
Na may mga batang ganoon ang pinagdaraanan
Sa musmos na kaisipan at mahina pang katawan
Ay natuto ng lumaban para sila ay may mapagsaluhan
Ang tanging hiling ko lamang sa kinauukulan
Ang mga ganitong tao ay dapat na pag-ukulan
Sila ay tulungan nang katiwasaya’y makamtan
At hindi habambuhay na sila ay sa lansangan.
By: Jasmin Aliguin Baluyot | Bachelor of Secondary Education | Sitio Tabon, Del Rosario Pilar, Bataan