KAPAYAPAAN

Ang mundo ngayon ay batbat ng ligalig. Kabi-kabila ang banta ng karahasan saanmang dako.  Maging ang normal na daloy ng araw ay hindi nawawalan ng mga hindi inaasahang banta ng panganib. Dahil dito ay hindi maiwasang maitanong ng tao sa sarili kung saan na nga ba napunta ang kapayapaan.                   Kumakalat at lumalawig…


Ang mundo ngayon ay batbat ng ligalig. Kabi-kabila ang banta ng karahasan saanmang dako.  Maging ang normal na daloy ng araw ay hindi nawawalan ng mga hindi inaasahang banta ng panganib. Dahil dito ay hindi maiwasang maitanong ng tao sa sarili kung saan na nga ba napunta ang kapayapaan.   

  

            Kumakalat at lumalawig ang mga kaguluhan sa buong mundo. Sa Amerika, sa Europa, sa Gitnang Silangan at maging sa Timog Silangang Asya ang karahasan ay tila bahagi na nang lumalalang sitwasyon ng sangkatauhan. Kasabay sa paglipas ng mga araw, laong nagiging mailap ang kasagutan sa panunumbalik ng kapayapaan.

            Noong Mayo 23, 2017 ay idineklara ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang batas militar sa mga pulo ng Mindanao. Ito ay bunsod sa hayagang tangka ng grupong Maute na mapasailalim sa kanila ang siyudad ng Marawi. Agad na kumilos ang pamahalaan upang pigilan ang kaguluhan upang hindi na magdulot pa ng panganib ang karahasan tulad sa Bisayas at maging sa Luzon.

            Sa mga kaganapan, malimit na ikinakabit ang ugat ng mga gulo sa pagkakaiba-iba ng ideolohiya o paniniwala ng tao. Nariyan din usapin ukol sa relihiyon, pang-aalipin, diskriminasyon, pag-abuso sa karapatang pantao, droga at ang kahirapan.

            Ang lipunan ay itinatag upang makapamuhay ng maayos at matiwasay ang mga mamamayan saanmang panig ng daigdig. Hatid ng kapayapaan ang pagkilos ng may kalayaan at magampanan ng maayos ang mga dapat na gawin. Ang makapamuhay ng marangal at maging kabahagi ng ligtas at tahimik na buhay ay kapayapaang  may paggalang sa kapwa.

            Ang mapayapang pag-uusap ay maaring bahagi ng solusyon. Ito ang nagbibigay ng pagkakataon upang ang magkasalungat na panig ay makapaglahad at mapakinggan upang malapatan ng pagkakasundo.

            Itinataguyod ng edukasyon ang kaalaman tungkol sa magkakaibang kultura ng mga tao. Bigo ang pagkakasundo kung salat sa kaalaman. Malimit na ang kakulangang ito ang nagiging dahilan ng mga hidwaan. Habang lumalaki ang pagitan sa dalawang magkasalungat na panig, ang pakikitungo ay hindi maiiwasang mabahiran ng ibang kulay. Sa halip na mabigyan ng solusyon, ang sigalot ay lalo pang lumalaki.

            Ang kaalamang hatid ng edukasyon ay mahalagang maitatag sa mundo.  Hindi lamang ito para sa may mga kakayahang uri, ang edukasyong ay para sa lahat. Ang pagkalap ng kaalaman ay daan upang magkaroon ng maliwanag na komunikasyon tungo sa tunay na kapayapaan. Kung ang lahat ay may bukas na kaisipan at handang makinig sa hinaing ng kapwa, hindi na magiging mailap pa ang payapang pamumuhay para sa lahat. 

By: SHERYL C. CRUZ | TEACHER II | BATAAN NATIONAL HIGH SCHOOL| BALANGA, BATAAN