“cesspool” o poso negro
‘Yan ang prangkang pagtawag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa dating masagana at malinis na Boracay. Hindi sa pang-iinsulto, ngunit ito ay matapat na inusal ng ating Pangulo ukol sa kasalukuyang kalagayan ng isla. Ang Boracay ay matatagpuan sa Aklan, probinsya ng Panay Island, sa kanlurang Visayas. Itinampok na ito sa iba’t-ibang magasin bilang “Best Island in the World” kaya’t lalong dumagsa ang mga turista na naging sanhi ng pagsigla ng turismo sa Pilipinas. Gayunpaman, sa kabila ng pagiging tanyag nito sa maraming dekada, hindi maikakailang unti-unti nang nasisira ang mala-paraiso nitong kagandahan. Mula sa pinung-pinong buhangin hanggang sa kumikinang nitong dalampasigan, ay napalitan na ng mga naglalakihang casino, resort, hotels, at ang kaakibat nitong dumi, basura, at lumot. Bawat turista ay lumilikha o nag-iiwan ng mga duming diretsong napupunta sa dagat na kung minsan ay hindi na nalilinis o nakukuha pa mula sa dalampasigan.
Nito lamang April 26, 2018 ay nagdeklara ng anim na buwang pagsasara o rehabilitasyon si Pangulong Duterte sa isla ng Boracay. Sanhi nito ang mga ilegal at naglalakihang establisyemento at tambak-tambak na basurang nagbabanta ng lubusang pagkawasak o pagkasira sa natural na kapaligiran ng isla. Ayon kay Secretary Roy Cimatu ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), sa mga negosyong umiiral sa isla, 293 establisyemento ang lumabag sa mga batas pangkapaligiran, at 51 rito ang nahaharap ngayon sa pagsasara dahil wala silang maayos na ‘sewage treatment facilities.’ Nung una’y ayaw pang sumang-ayon ng mga residente sa anim na buwang pagsasara ng Boracay dahil mawawalan umano sila ng kanilang kabuhayan. Ngunit kalaunan ay pumayag na rin sila dahil ang mismong isla na kanilang tinitirhan ay nasa bingit ng pagkasira at pagkawasak. Kapag nawala ito, pati ang kanilang mga kabuhayan o pinagkakakitaan ay maglalaho na rin.
Sa aking sariling pananaw, mas makabubuti kung lahat ng negosyong itatayo sa isla ay may permiso o pahintulot mula sa gobyerno at idadaan sa legal na proseso. Mas angkop din na ipatupad nang mahigpit ang mga batas na pumoprotekta sa pangkapaligirang aspekto ng isang pook pasyalan o tourist spot. Maiging ipakalat ang paalalang “Take nothing but pictures, leave nothing but footprints, and kill nothing but time” sa mga tourist spots sa Pilipinas at maging sa ibang bansa. Bilang isang ordinaryong mamayan, masasabi kong tama ang naging desisyon ni Pangulong Duterte sa pansamantalang pagsasara ng Boracay dahil kung titignan ito sa ngayon, nasa mabuti na itong kalagayan. Ang dalampasigan ng islang maituturing na “cesspool” o poso negro ay naibalik na sa dati nitong kulay puti at pinong buhangin, wala na rin ang mga basurang iniwan ng mga turista, at ang sariwang simoy ng hangin ay kusa nang nanumbalik.
Sa bawat pagtatapos ng isang kwento, may aral na mapupulot ang mga mambabasa. Gaya nalang ng nangyari sa isla ng Boracay. Nawasak, nasira, at napabayaan ng tao ang isang masaganang islang maituturing na biyaya ng Diyos. Maaaring tama nga ang kasabihang, hindi natin makikita ang tunay na halaga ng isang biyaya hangga’t hindi ito nawawala o nasisira. Ngunit pagdating sa huli, tao pa rin ang magkukusang isaayos ito at ibalik sa dati. Nagpapatunay lamang ito na sa panahong ang Inang Kalikasan naman ang nangangailangan, handa ang mga tao upang tumulong at maisakatuparan ang layuning ibalik ang arugang nakukuha natin mula sa ating tahanan.
“At kinuha ng Panginoong Dios ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan.” – Genesis 2:15
By: Mr. Jesus Apostol Jr. | Teacher I | Bataan National High School – Senior High