Bilang isang guro, ako’y nalulungkot sa mga magaaral ngayon dahil sa kanilang mga maling katwiran at kakulangan sa lakas ng loob na harapin ang buhay sa kabila ng kahirapan. Sa tuwing may makakausap ako at sila’y aking tatanungin kung ano ang mga pinaplano nila sa pagkatapos nila sa high school. Halos karamihan sa kanila ay walang ibang bukang bibig kung hindi; “hinto muna po Sir kasi mahirap lang po kami at walang pera”.
Taong 1987 ng mamatay ang aking Daddy na aking tawagin dahil na rin sa isang malubhang sakit at ako’y nasa ika-anim na grado na noon sa elementarya at kasalukuyang kukuha ng pagsusulit sa isang tulong pinansyal na pinamumunuan ni Mayor Nelson David ng Limay, Bataan. Naaalala ko pa ang aking Daddy nang sya’y kasalukuang nakaratay sa aming tahanan sa Nueva Ecija na nagalit sa akin at sinabing; “paano makakapasa yan sa test nya eh di naman nagaaral ng kanyang mga aralin o magreview man lang”. Sa mga salitang iyon, di na nya nagawang masaksihan ang aking pagpasa sa pagsusulit at mabigyan ng pinansyal na tulong sa aking pagaaral ng high school sa Bataan Peninsula State University dating Bataan National School of Arts and Trades. Isa sa mga napakahalagang payo ng aming magulang sa aming tatlong magkakapatid na ang makatapos sa aming pagaaral ang tanging maipapamana nila sa amin sa kabila ng aming kahirapan. Sa aking murang edad eh naranasan kong magtinda at ilako ang “banana-cue at kamote-cue” para lang may maibaon sa eskwela. Hanggang sa ako’y tumuntong ng kolehiyo eh patuloy pa rin akong binigyan ng pinansyal na tulong ni Mayor David. Habang ako’y nagaaral sa umaga sa kolehiyo eh nagtatrabaho naman ako noon sa Jollibee Balanga pagkatapos ng klase ko ng alas-singko ng hapon at simula alas-sais ng gabi hanggang alas-onse ng hating gabi eh nagtatrabaho ako at makakauwi na ng ala-una ng medaling araw at gigising muli ng alas-kwatro ng madaling araw para magsalok ng tubig na gagamitin naming magkakapatid sa paghahanda sa umaga sa pagpasok. Araw-araw ganun ang sitwasyon ko at ang aking Mommy naman na aking tawagin eh nagkakarinderya sa Manila at lingguhan lang kung umuwi. Taong 1995, ako ay nakatapos ng kolehiyo bilang guro at nakapasa sa board exam ng taong din yun.
Sabi nga ni Professor Winnie Monsod, di natin dapat iasa sa gobyerno ang ating buhay o kahit kanino man. Tayo ang gumagawa ng ating buhay. Hindi dapat maging dahilan ang kahirapan na abutin natin ang ating mga pangarap. Maaring iba’t-iba ang ating mga nararanasang pagkakataon pero di natin maikakaila na iba pa rin ang may pinagaralan. Sa ating mga kabataan sa ngayon, walang imposible kapag ating ninais. Katwiran ko sa aking sarili at buhay; “kapag gusto, may paraan, ngunit kapag ayaw ay hindi may dahilan kung hindi talagang ayaw lang”. Wag nyong sayangin ang pagkakataon, napakaraming gustong magaral at isa kau sa mapapalad na nakapagaaral sa kabila ng kahirapan, gawin nyo itong hamon sa inyong buhay at hindi maging hadlang para sumuko at ipaubaya sa iba ang kahihinatnan ng iyong buhay. Kailangan lang na ikaw ay maging matatag, masipag at buo ang loob na harapin ang tunay na buhay at higit sa lahat ang magtiwala sa Kanya na wala syang ibibigay na pagsubok na di natin kakayaning malagpasan.
By: Mr. Russell C. Galang | Teacher III | Orani National Highschool