“Ay, na’y magiging ganyan ako! Piloto,” sigalo ng anak ko habang pinapanood ito sa isang soap opera sa telebisyon. Natutuwa ako dahil sa mura niyang gulang napakatayog ng kanyang pangarap at katulad ng bunso ko, nangangarap at umaasa rin akong matupad ang pangarap na ito.
Ngunit sa dami ng mga kaguluhang nangyayari sa ating paligid, marami pa ring katanungan ang patuloy kong hinahanapan ng kasagutan.
Ilang pangarap ba ang naririnig natin sa araw-araw, nangangarap maging doktor, sundalo, inhinyero, abogado at napakarami pang mananatili na lang bang pangarap o sa matupad.
Maraming kayamanang kailangan pang sisirin sa ilalim ng dagat, kayamanang dapat hukayin at kayamanang dapat linangin. May mga taong nilikha ang Diyos upang makita ang mga kayamanag ito. Ito ang kayang sa tuwina ay sinasabing hindi nawawala, hindi nananakaw, hindi naluluna at habang buhay na kikinang at magiging kapakipakinabang sa lahat na ito ay ang “edukasyon”. Palasak at palagi na itong nagiging bukang bibig ng marami.
Ang papel ng guro sa buhay ng mga mag-aaral ay katulad ng isang piloto ng eroplano, siya ang gumagabay upang mapalipad ito ng wasto, katulad ng isang susi na magiging daan na mabuksan ito upang makita ang itinatago nitong kayamanan.
Katulad ng isang estraktor ang guro ay tulad niya na pipili ang isang mabuting kahoy upang mabuo ang kanyang obra maestra, patutuyuin ito ng husto upang sa kanyang pag-ukit at maihubog ito ng tama na sa bawat hagod ng pait na uukit sa bawat ang ulo nito ay maglalabas ng tunay na anyo nito.
Maihahambing din ito sa isang uod na matapos dumaan sa proseso ng metamorposis mula sa uod lalabas ay isang napakagandang paru-paro na nagbibigay buhay sa maraming nilikha.
Gamit ang pag-ibig na walang maliw at walang paghahangad ng kapalit ito ang nagiging kalasag ng guro sa mga balakid na dumarating sa kanyang pagnanais na maakay ng husto ang mga mag-aaral na makapagpunla ng mabuting binhi na lalago, mamumunga at sasagana na magiging biyaya sa lahat.
Ilang mga guro ang buong katapatang tinutupad ang kanilang gawain na kadalasan ay nalilimutan ang kapakanang pansarili para sa kapakanan ng marami. Kadalasan kahit may personal na suliranin, dalahing pisikal mas proridad nilang pumasok at inuuna ang kapakanan ng mga batang umaasang may matutuhan sa kanya sa araw na iyon.
Marami pa rin ang nagtitiis sa mababang suweldo ngunit buong kadakilaan at karangalan pa rin silang tumutupad sa kanilang mga tungkulin.
Kung ang Diyos ang itinuturing na dakilang manlilikha kung paanong nilalang niya ang tao na wangis sa kanya, ang mga magulang ang sa lupa at ang mga guro naman ang manlilikha ng mga kinikilalang lider ng lipunan, kilalang tao sa larangan ng siyensya, dalubhasang manggagamot, tanyag na abogado, matatalinong edukador, sikat na arkitekto at inhinyero, mga talentadong artista, karaniwang manggagawa lahat ay dumaan sa kaniyang kamay ngunit madalang kilalanin ang kadakilaang ito.
Marahil ang konsulasyon na lamang naming makukuha mula rito ay ang simple pero taos sa pusong pasasalamat ng mga mag-aaral na kumikilala sa kanilang kakayahan.
Umaasang kahit sa huling araw ng pagtapak niya sa paaralan ay makikilala ang nagawa nila sa kabataan.
May hawak na luad ang isang batang naglalaro sa aming bakuran, gumagawa ng sariling nilang obra maestra, tuwang-tuwa akong panoorin sila dahil sa kanilang ipinagmamalaki kong isa rin akong “manlilikha”.
By: Jhomar C. Dela Rosa | Teacher I | BNHS |Balanga, Bataan