MAYROONG TUMULAK! (Part 3) “Believe”

Subok lang ng subok hanggat makamit mo ang pinapangarap mo. Hanggat ang imposible ay maging posible. Hanggat ma-realize mo na ang bawat sitwasyon ay magkakalakip na nangyayari dahil “God is good talaga” mas maganda ang plano Nya. Sa pinakahuli kong subok, mayroon akong isang kaibigan na nagsabi sa akin, “Alam kong pasado kana ngayon, naramdaman…


Subok lang ng subok hanggat makamit mo ang pinapangarap mo. Hanggat ang imposible ay maging posible. Hanggat ma-realize mo na ang bawat sitwasyon ay magkakalakip na nangyayari dahil “God is good talaga” mas maganda ang plano Nya.

Sa pinakahuli kong subok, mayroon akong isang kaibigan na nagsabi sa akin, “Alam kong pasado kana ngayon, naramdaman kong papasa kana, kaya magtake ka pa ulit, at ito na ang huli, sigurado akong CPA kana. Nasira ka lang ng negatibong pangyayari nung nakaraan mong subok. Maniwala ka! Maging positibo ka at ipagpi-pray kita.”

At ganung-ganun din ang natanggap kong mensahe galing sa tatay at nanay ko. “Isa pang take, sigurado kaming papasa kana, CPA kana” at sinabi nila sa akin na ang panalangin nila ay salamat na. “Salamat, papasa na ang anak ko”, hindi na request na pumasa kundi thanksgiving na agad.

Hanggat sumunod na ang isip ko. “Tama sila, ito na ang huling subok ko kasi papasa nako sa pagkakataong ito” Naniniwala na sila, ako pa ba ang di maniniwala?

Subok lang ng subok hanggat mamaster mo na ang isang bagay.

Sa paulit-ulit mong pagbabasa at pag-aaral ng isang bagay, at sa paulit-ulit mong ginagawa, ay namamaster mo na din, at natatanim na ang bawat konsepto ng bawat topic.

Subok lang ng subok hanggat makuha mo ito ng tama.

Kagaya ng maraming imbensyon,hindi naman lahat nagtatagumpay sa unang subok lamang. Kadalasan, ilang beses itong sinusubukan sa iba’t ibang pamamaraan. Hindi mo na uulitin ang una mong pagkakamali, hanggat makuha mo na ito ng tama.

Subok lang ng subok hanggat mapagtagumpayan mo.

Maraming pangyayari na akala mo ay pinapatigil ka nang magpatuloy. Pero isa pala itong tuntungan para sa tagumpay. Maraming bumabatikos at marami ding nagdududasa iyong kakayahan, ngunit dahil una mong napagtagumpayan ang sarili mo sa mga negatibo mong naiisip, hindi mo narin iintindihin ang paligid mo sa mga negatibo nilang komento sa iyo.

Iniwasan ko ang mga negatibong tao, negatibong palabas, negatibong komento o kahit anong negatibo. Pagpumapasok saisip ko na mahirap ang board exam at parang imposible na maging CPA ako, sinasaway ko agad ang sarili “Kaya ko to!di ba Lord, walang mahirap sa’Yo?, walang imposible sa’Yo”

Naalala ko, bago magboard exam, inilista ko sa kapirasong papel ang pangalan ng mga mahal ko sa buhay at katapat nun ang mga regalong gusto konghingin sa kanila dahil sinabi ko sa sarili ko “Eto na’to, papasa nako!”

At nung nag-eexam nako, sinabi ng asawa ko, na naghihintay sakin sa testing area, iba daw ang ngiti ko, masaya daw ang mukha ko, samantalang ang mga nauna saking lumabas ay nangakasimangot. Pero meron isang subject na gusto ko talagang maiyak, nahirapan ako dun, pero nagpray ako ulit, “Pasado ko Lord di ba? Ikaw na pong bahala.”

Dalawang-araw bago lumabas ang resulta ng board exam, bigla na lang mayroon akong naramdamang masayang-masaya ang puso ko, Sinabayan ko ng panalangin, diko talaga mapigilan ang luha ko, umiiyak ako, at paulit-ulit kong sinasabi “Salamat!, alam kong nakapasa nako, salamat sa’Yo, salamat talaga ng marami”, Pagkayari nun, gumawa ako ng text message sa cellphone ko para sa nanay at tatay ko na “Congrats! Nay at tay, CPA na ang panganay nyo, to God be the Glory!…” ang mensahe na ito ay pinadala ko lang sa kanila nung lumabas na ang resulta ng board exam.

At nung araw na lumabas ang resulta ng board exam, namangha parin ako. Pumasa ko! God is good!Glory to God! Paulit-ulit kong sinasabi habang diko mapigilan maiyak.

Hindi natin kayang abutin ang hindi natin kayang paniwalaan!

Kung maniniwala ka sa pangarap mo, at pagpupursigehan mo ng may pag-aalab na kagustuhang makuha mo ito, anuman ang pangarap mo, makakaya mo itong abutin.At ang Dios na ang bahalang magpala sa ibinigay mong sikap para sa pangarap na’yun. Sigurado akong ipagkakaloob yun sa’Yo sa perpektong panahon at pagkakataon.

By: Jhonalyn Yabut | Admin Aide IV | Bataan National High School | Balanga, Bataan