Sa aking dalawang taon ng pagtuturo sa pribadong paaralan bilang isang guro ng Araling Panlipunan ay naglalaan talaga ako ng oras sa pagsasaliksik ng mga modelong estratehiya na maaari kong magamit sa pagtuturo ng Araling Panlipunan upang makakatulong pa sa pagkatututo ng aking mga estudyante.
Ilan sa mga modelong estratehiyang nasaliksik ko ay ang mga sumusunod:
1. Tri-Questions Approach – Ang Tri-Questions Approach ni Gary Goulson ay magagamit sa mga aralin tungkol sa mga pangyayari sa kasaysayan o araling kontemporaryo na magagamitan ng tatlong lohikal na tanong.
2. Concept Mapping – Napapadali nito ang pagtukoy sa mga konsepto. Ito ay pagdisenyo ng ugnayan ng mga konsepto sa isang aralin. Sa ganitong paraan, madaling nabibigyang kahulugan ng mga mag-aaral ang tinatalakay na aralin. Isinasagawa ang pagmamapa ng konsepto sa prosesong mental o pangkaisipan.
3. Cognitive Mapping – Ang cognitive mapping ni Walter Parker ay magagamit sa pagtalakay ng mga araling nakatuon sa kognisyon (cognition) o pangkaalaman. Karaniwang ginagamit ang modelong ito sa mga araling issue-oriented. Sa ganitong paraan, napag-uusapan (brainstorm) ang paksa at naisasaayos ang impormasyon.
4. Social Analysis Model – Ang social analysis model ni James Shaver ay magagamit sa pagsusuri ng mga isyung panlipunan sa lebel na lokal, nasyonal o global.
5. ACES Teaching Approach – Isa ito sa mga modelong estratehiya sa pagtuturong debelopmental at ekspiryensyal na nakapokus sa kognitibo at apektibong pagkatuto. Magagamit ito ng guro sa mga araling debelopmental na nangangailangan ng lohikal na pagtalakay sa aralin.
6. Inquiry Model – Magagamit ang inquiry model o modelong pasiyasat sa mga araling tatalakayin sa prosesong siyentipiko (scientific method/problem solving). Ito ang modelo ng pag-aaral sa mga disiplina ng natural na agham at agham panlipunang ginagamit din ng mga edukador ng Araling Panlipunan.
7. Valuing Model – Ang valuing model o modelong pagpapahalaga ay magagamit sa mga aralin/isyu/suliranin/sitwasyon na nangangailangan ng makatwirang desisyon. Maisasagawa ito pagkat ang pagpapahalaga ay ideya o konsepto tungkol sa pinahahalagahan sa buhay ng sinuman. Ang mga pagpapahalaga (values) ay mga bagay na kapaki-pakinabang na matamo; naglalahad kung ano ang tama o mali; kung ano ang mahalaga; kung ano ang hangarin at kung bakit pinahahalagahan ang mga ito. Halos lahat ng mga aralin ay may puwang sa gawaing pagpapahalaga.
8. Moral Dilemma Model – Ang moral discussion model ni Barry K. Beyer ay magagamit sa pagproseso ng mga isyung may komplikadong dilema. Ang dilema ay isyu/sitwasyon na pagpipilian sa pagitan ng dalawang alternatibo o kaya’y sa paglutas ng mahirap na suliranin/sitwasyon/isyu.
Malaking bahagi sa pagtuturo ng isang guro ang paggamit ng mga ganitong modelong estratehiya para matulungan ng husto na matututo ang mga estudyante sa kanilang mga aralin. Bukod sa mga modelong estratehiyang ito ay marami pang ibang estratehiya na maaari mong magamit sa pagtuturo ng iba pang asignatura bukod sa Araling Panlipunan.
Sanggunian:
CURRICULUM AND INSTRUCTION: ANG PAGTUTURO NG ARALING PANLIPUNAN
Lydia N. Agno, Ed. D. Rosita D. Tadena, Ph. D. Writers Grace Estela C. Mateo, Ph. D. Reviewer Cecilia D. Alip, Ed. D Editor
http://amses.weebly.com/uploads/8/8/3/6/8836963/module_6.6_araling_panglipunan.pdf
By: Jecelyn Joy D. Juganas | LPT – Social Studies