PAALAM: BIGATING BALYENA AT POSPORONG PALITO

Ikaw? Kailan ka magsisimula? Nasimulan mo na ba?          Sa kasalukuyan kung kailan nauuso ang lahat ng bagay sa kompyuter, na mapalalaki’t mapababae ay nakaupo sa kanya-kanyang trono habang walang tigil na lumalapat ang mga daliri sa isang hindi maiwasang bisyo, hindi kataka-takang karamihan ay mayroong nag-iisang suliranin. Ito ay ang kanilang mga naglalaparang binti’t…


Ikaw? Kailan ka magsisimula? Nasimulan mo na ba?

         Sa kasalukuyan kung kailan nauuso ang lahat ng bagay sa kompyuter, na mapalalaki’t mapababae ay nakaupo sa kanya-kanyang trono habang walang tigil na lumalapat ang mga daliri sa isang hindi maiwasang bisyo, hindi kataka-takang karamihan ay mayroong nag-iisang suliranin. Ito ay ang kanilang mga naglalaparang binti’t bisig at nag-aalunang baba’t bilbil. Wari mo ay balyenang nasa lupa.

         Sa ngayon kung kailan karamihan ay nahihirati sa mga instant at processed food, at ang mga bata at maging mga may edad ay paulit-ulit na inaayawan ang mga pagkaing gulay dahil sa hindi magagandang lasa ng ilang uri nito, hindi maiiwasang mawari ang kani-kanilang mahihina at mala-palitong pangangatawan.

         Ayon sa mga nutritionists, ang pagkakaroon ng wastong timbang ay isang magandang senyales ng pagkakaroon ng magandang kalusugan. Ngunit, paano nga ba nakakamit ang wastong timbang? Simple lang. Ito ay ang tamang nutrisyon at pag-eehersisyo.

           Alam naman ng lahat na ang gulay ay masustansiya pero karamihan pa din sa atin ang ayaw kumain nito. Hindi tayo mamamatay kapag kumain tayo ng gulay bagkus ay mas pahahabain pa nito ang ating buhay sa abot-kaya pa ng ating bulsa. Kung atin lamang sana’y nalalaman ang malaking posilidad ninuman sa samu’t saring sakit sa hindi pagkain ng gulay, tiyak na magiging parte na ito ng ating pang-araw-araw na hapag-kainan. Tayo ay magiging iwas-ubo’t sipon na, lagnat at maging mga komplikasyon. Mula sa simpleng paghahain at pagkain nito araw-araw, sabayan pa ng prutas at isang-kapat na kanin at ulam, tiyak na sisigla ang ating mga pangangatawan.

       Ngunit ang magandang kalusugan ay hindi lamang nakukuha sa bitamina at mineral na ating nakukuha mula sa masusustansiyang pagkain. Ang tama at regular na pag-eehersisyo na sinamahan ng tamang nutrisyon ay ang ganap na resipe sa pagkakaroon ng wastong timbang at magandang kalusugan.

       Ang tatlumpung minutong paglakad at pagtakbo ay mumunting paraan din upang magising ang ating mga tulog na kalamnan at lumukso ang ating puso. Ang simpleng pagtayo at pag-inat ng ating mga bisig at binti ay makakatulong rin sa pagkakaroon ng toned muscles. Maging ang pagsayaw, lalo na ng zumba ay isang subok na paraan na para sa ating “hebigatin” na katawan. Tiyak na tatagaktak ang inyong mga pawis sa bawat indayog ng inyong katawan.

       Ang tamang nutrisyon at pag-eehersisyo ay isang magandang kumbinasyon sa pagkakaroon at pagpapanatili ng wastong timbang. Kaaya-ayang timbang na kaagapay ay magandang kalusugan. Kung kaya’t tayo ay magpaalam na sa bigating balyena at posporong palitong pangangatawan. Sabay-sabay. Isa. . . Dalawa. . . . Tat . . . ..(nagzuzumba na ang may-akda)

By: Mark Anthony T. Atienza